Sinabi ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pang Pinoy na hindi dokumento ang inaaresto sa Amerika sa harap ng paghihigpit ni U.S. President Donald Trump laban sa mga illegal migrants.
Paliwanag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega, ang mga Pinoy na hindi dokumento na ipina-deport ay dati nang nasa kustodiya ng mga awtoridad dahil may mga kasong kinakaharap.
“A handful have been sent home, but their cases were pending and they were under US custody already even before Trump took over,” ayon sa opisyal.
Kamakailan lang, pinauwi na sa bansa ang Pinoy nursing aide na nahaharap sa kasong pananakit sa sa kaniyang pasyente sa US.
Sinabi naman ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, na nakikipag-ugnayan siya sa Filipino-American lawyers mula sa Filipino American Legal Defense and Education Fund (FALDEF) para sa posibleng legal assistance.
Ayon kay De Vega, isinasagawa pa lamang ngayon ang deportation orders laban sa undocumented aliens na may criminal cases o record.
“Our Ambassador in DC has already explained that he has contacted Filipino-American lawyers under the Filipino American Legal Defense and Education Fund (FALDEF) to provide illegal Filipinos with pro bono legal services,” said de Vega.
Una nang sinabi ni Romualdez na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga undocumented Filipinos sa US, lalo na ang mga malinis ang record at ilang taon nang nagtatrabaho roon.
Pero nilinaw niya na posible lang ito sa mga Pinoy na may overstayed tourist visas.
“Those people who have been working here and paying taxes probably have a better chance of staying,” saad niya.
Inihayag naman ng Department of Labor and Employment na handa ang kagawaran na tulungan ang mga Pinoy na mapapauwi sa ipinatutupad na immigration crackdown sa US.
''Ang Department of Labor and Employment ay patuloy na tutulong din sa DMW (Department of Migrant Workers) dahil 'yan naman ang laging tagubilin ng ating Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. Convergence ng mga ginagawa ng iba't-ibang departamento,'' sabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma.-- mula sa Jiselle Anne C. Casucian/FRJ, GMA Integrated News