Pinailawan na ng Philippine Consulate General sa New York City ang anim na talampakang Christmas lantern na gumagamit ng light-emitting diode (LED), na makikita sa harap ng konsulado.

Ang makulay na LED na parol ay nakikita ng mga dumaraan sa 5th Avenue ng Manhattan, na kilalang destinasyon at dinarayo ng milyun-milyong turista mula sa iba't ibang bansa tuwing kapaskuhan.

Inaabangan at naging tradisyon na para sa konsulado ang taunang pagpapailaw ng parol bilang bahagi ng selebrasyon ng kapaskuhan sa lugar.

Bukod dito, isang malaking LED screen ang nasa labas ng konsulado na nagpapakita ng magagandang destinasyon sa Pilipinas. Bilang suporta ito sa kampanya ng Department of Tourism na "Love the Philippines," na layuning hikayatin ang mga dayuhan na bumisita sa bansa.

Binigyan-pansin ni Tourism Attaché Francisco Lardizabal ang pagtuon ng kampanya para sa mga bumibiyaheng Gen Z at sinabing:

"Our main goal is to make this appealing to Gen Z, which is why the design was tailored for them. Secondly, of course, we are doing this to promote our current campaign, 'Love the Philippines.' That's why on the right side, we highlight travel, and on the left, we showcase the parol..."

Ipinapakita ng inisyatibang ito ang masigla at makulay na pagsasanib ng kultura ng mga Pilipino at ang pagpapalaganap ng turismo, na nag-aanyaya sa mga dayuhan na tuklasin ang kagandahan ng Pilipinas. — mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News