Tiyak na ang pag-uwi sa Pilipinas mula sa Indonesia ni Mary Jane Veloso, ang Pinay na nahatulan ng kamatayan dahil sa kasong drug trafficking. Ayon sa Department of Justice (DOJ), nais nilang maiuwi si Veloso sa bansa '"as soon as possible."

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano, na mangyayari na ito matapos na pormal na sumang-ayon ang Indonesia na ilipat sa pangangalaga ng Pilipinas si Veloso.

"[T]he Minister for Human Rights Corrections and Immigration and the DOJ of the Philippines has signed the practical agreements for the official transfer of Mary Jane Veloso back to the Philippines," ayon sa opisyal.

"We would like to announce (that) officially, Mary Jane Veloso is coming home," dagdag niya.

Nakakulong si Veloso sa Indonesia sa loob ng 14 na taon matapos siyang mahatulan sa kasong drug trafficking noong 2010.

Una rito, nakipagpulong sa mga awtoridad ng Indonesia ang delegasyon ng Pilipinas na kinabibilangan ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez.

Sa press conference sa Indonesia, sinabi ni Vasquez na wala pang petsa kung kailan makakauwi si Veloso pero nais nilang maibalik siya sa bansa "as soon as possible."

"We have to follow the internal rules and procedures of the Indonesian corrections authorities with respect to that. But as I said from the end of the Philippines, we are ready and able to do it anytime in order to facilitate the immediate transfer of Mary Jane," paliwanag ng opisyal.

Ayon pa kay Vasquez, hindi rin nagtakda ng anumang kondisyon ang Indonesia hinggil sa haba ng pagkakakulong ni Veloso kapag nailipat na siya sa mga awtoridad ng Pilipinas.

Pero binigyang-diin ni Vasquez na iginagalang ng gobyerno ng Pilipinas ang parusang ipinataw ng korte ng Indonesia kay Veloso.

"Once transferred in the country she will serve her sentence as agreed upon in accordance with Philippine Laws and regulations with respect to the Penal Code," ani Vasquez.

Inihayag din niya na nasa desisyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagbibigay ng clemency kay Veloso. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News