Nakumpirma na ng Department of Migrant Workers (DMW) na mayroong tatlong overseas Filipino workers ang nasawi nang nangyari ang matinding pagbaha sa United Arab Emirates.

"With extreme sadness, we report the death of 3 OFWs during the flooding in UAE," saad sa post sa X, dating Twitter ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac.

Ayon kay Cacdac, ang dalawa ay nasawi sa suffocation sa loob ng sasakyan nang maganap ang pagbaha, habang ang isa pa ay nasangkot sa aksidente.

"We shall provide utmost support and assistance to their families," pagtiyak ng opisyal.

 

 

Una rito, inihayag ni Cacdac at Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, na bineberipika nila ang naunang impormasyon kung totoo na may dalawang OFW na nasawi sa pagkakakoryente sa UAE kasunod nang nangyaring pagbaha.

"Our consulate is checking with the Filipino community members. There are reports that two unfortunately died of electrocution and we're verifying it. We hope not [true]. We're verifying with the police," sabi ni de Vega.

Kung sakaling totoo ang impormasyon, sinabi ng opisyal na handa ang kagawaran na tumulong para maiuwi ang mga labi nito.

Sa nakalipas na ilang araw, nakaranas ng matinding pag-ulan ang UAE at Oman. Isa ang unang naiulat na nasawi sa UAE, habang 18 naman sa Oman, dahil sa naturang kalamidad.-- FRJ, GMA Integrated News