Dalawang Pinoy seafarers na sakay ng isang merchant ship na naglalayag sa Gulf of Aden ang nasawi matapos targetin ng missile ng rebel group na Houthi, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes.
Ayon pa sa DMW, dalawa pang Pilipino ang malubhang nasugatan sa naturang pag-atake na nagdulot ng pagkasunog ng barko sa layong 50 nautical miles mula sa pantalan ng Aden.
Nangako ang DMW na tutulungan ang mga pamilya ng mga tripulante, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“We in the Department of Migrant Workers sincerely extend our deepest condolences to the family and kin of our slain, heroic seafarers. For reasons of privacy, we are withholding their names and identities,” saad ng DMW sa inilabas na pahayag.
Ayon sa ulat ng Reuters, na batay sa report ng US Central Command (CENTCOM), inako ng Houthis ang pag-atake na ikinasawi ng tatlong tripulante ng barko na isang Greek-owned, Barbados-flagged ship na True Confidence.
Ang Houthi rebels ay kaalyado ng Iran, na sumusuporta sa Hamas militants na nakikipaglaban sa Israel sa in Gaza Strip.
Ayon sa operator ng True Confidence, nagliyab ang barko na may mayroong 20 crew at tatlong armadong guwardiya. Kabilang sa mga sakay nito ay 15 Pilipino, apat na Vietnamese, dalawang Sri Lankans, isang Indian at isang Nepali national.
Ayon sa DMW, nakikipag-ugnayan sila sa manning agency at shipowner ng barko para alamin ang kalagayan ng iba pang Pinoy, na dinala na umano sa ligtas na lugar.
Aasikasuhin din ng DMW ang pagpapauwi sa mga nakaligtas na Pinoy crew ng barko.--FRJ, GMA Integrated News