Nasawi ang mag-asawang Filipino-American sa Amerika nang salpukin ng isang ninakaw na pick-truck ang SUV ng mga biktima sa Michigan. Sa pagpanaw ng mag-asawa, naulila ang anim nilang anak.

Ayon sa Michigan Police, tinutugis nila ang suspek na si Angel Melendez-Ortiz, 35-anyos, na tumangay sa isang pickup truck.

Nag-counter flow ang suspek hanggang sa makasalubong nito at masalpok ang sasakyan ng mag-asawang Ryan at Jen Ambrosio, na pauwi na noon.

Wala umanong ilaw ang pickup truck, at tinatayang tumatakbo sa bilis na 100kph bago bumangga sa SUV ng mag-asawa.

Sugatan naman at nasa ospital ang suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang two counts of second-degree murder.

Sa pahayag, sinabi ni county prosecutor Karen McDonald, hihilingin niya sa korte na ipataw ang pinakamabigat na parusa sa suspek dahil sa tindi ng ginawa nitong krimen.

"These are senseless deaths, and I have authorized the highest possible charges for this crime. We will pursue justice for these victims and their entire family, including their young children, and we will hold this defendant accountable," ayon kay McDonald.

Naulila ng mag-asawang Ambrosio ang kanilang mga anak na nasa edad dalawa hanggang siyam.

Nagbukas naman ng GoFundMe campaign ang mga kaanak at kaibigan ng mga Ambrosio para sa naulilang mga bata. —FRJ, GMA Integrated News