Umaapela ng tulong ang mahigit 700 Pinoy sa New Zealand na nawalan ng trabaho nang bigla na lang nagsara ang pinapasukan nilang kompanya.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing pawang karpintero sa kompanyang ELE Group of Companies ang mga overseas Filipino worker na nasa Christchurch sa New Zealand.
Nalaman daw ng mga OFW na wala na silang trabaho, apat na araw bago sumapit ang Pasko, at isang araw bago ang kanilang sahod.
“Wala pong abiso. Papasok na po kami noong umaga, tsaka na po nagsabi sa amin na, 'Huwag kayong pumasok, may zoom meeting po tayo sabi nila, ganun lang po," ayon kay Gabby Martin. "Yun lang po ang sinabi na ngayong araw na ito na magsasara na yung ELE.”
Marami umano sa OFW ay wala pang isang taon nang dumating sa New Zealand. Bagamant tatlong taon ang kanilang working visa, hindi naman sila puwedeng lumipat kaagad ng trabaho dahil kailangan pa munang ayusin ang naturang dokumento.
“Naghihintay kami ng variation ng visa namin kung kelan lalabas yung bagong visa namin. Kaya lang habang naghihintay, ito ganito, tambay,” sabi ni Felix Castro.
Dahil hindi nila nakuha ang kanilang dalawang linggong sahod, marami raw sa kanila ang wala nang panggastos. Nairaraos umano nila ang kanilang pagkain sa araw-araw sa tulong ng ilang kababayan, at pang-huhuli nila ng isdang maiuulam.
Maging mabait din ang Pinoy na nagpapaupa sa kanilang tinutuluyan na pumayag na manatili sila sa lugar hanggang sa makahanap na sila ng bagong trabaho.
May pangako naman daw ang ELE na babayarang ang kanilang naiwang suweldo pero hindi raw nila alam kung kailan ito maibibigay.
Sa kabila ng kanilang sitwasyon, mas nais nilang manatili sa New Zealand kaysa umuwi ng Pilipinas dahil marami silang dapat bayaran na utang.
Inihayag naman ng Philippine Embassy sa New Zealand na nakapaghatid na umano sila ng tulong sa ilang Pinoy na nawalan ng trabaho noong nakaraang linggo.
Nais namang ipaalam ng mga OFW sa kanilang mga kaanak sa Pilipinas na maayos ang kanilang kalagayan hindi sila dapat mag-aalala.
Gayunman, umaasa silang makarating na rin sa kanila ang tulong ng gobyerno at makahanap na sila ng bagong trabaho.
Sinusubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng ELE. -- FRJ, GMA Integrated News