Umabot umano sa 170 bilanggo ang "binitay" ng Saudi Arabia nitong 2023. Kabilang dito ang apat na ipinatupad ang parusang kamatayan isang araw bagong sumapit ang bagong taon.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, ang bilang ng mga binitay nitong 2023 ay mas mataas sa 147 convicts na ipinatupad ang parusang kamatayan noong 2022, base umano sa mga anunsyo ng Saudi authorities.
Binabatikos ng mga human rights activist ang madalas na paggamit ng pamahalaan ng KSA ng parusang kamatayan na karaniwang pagpugot ng ulo ang ginagamit na paraan.
Noong 2019, umabot sa 187 bilanggo ang binitay ng KSA.
Ayon sa isang opisyal ng Saudi Press Agency, apat na bilanggo na kasong murder ang binitay noong Linggo, batay sa inilabas na pahayag ng interior ministry.
Kinabibilangan ito ng dalawa sa north-western city ng Tabuk, isa sa kapitolyo ng Riyadh, at isa sa Jazan.
Kabilang sa mga binitay ngayon 2023 ay 33 tao na inakusahan ng terrorism-related crimes at dalawa ang sundalo na inakusahan ng treason.
Itinuturing na deadliest month ang Disyembre dahil 38 bilanggo ang binitay.
Noong 2022, sinabi Amnesty International na mas marami ang binitay ng Saudi Arabia, kaysa sa ibang bansa bukod sa China at Iran.
Marso 2022 nang bitayin umano ng KSA ang 81 bilanggo sa loob lang isang araw.
Iginigiit ng mga awtoridad na naaayon sa sharia law ang ipinatutupad nilang parusang kamatayan batay sa turo Koran, na mahalaga umano "to maintain public order."
Una rito, inihayag ni Crown Prince Mohammed bin Salman na nais nitong ma-transform ang bansa bilang business at tourism hub.
Gayunman, pinupuna ng mga aktibista na hindi makatutulong sa imahe ng KSA ang patuloy na pagpapairal ng kaharian ng parusang kamatayan.— AFP/FRJ, GMA Integrated News