Umaasa pa rin ang ibang kamag-anak ng caregiver na si Mary Grace Cabrera na buhay pa siya kahit pa sinasabi ng mga awtoridad na natukoy na ang kaniyang bangkay sa Israel sa pamamagitan ng fingerprint. Ikinuwento naman ng kaniyang hipag na magkausap sa telepono ang mag-asawa nang sumalakay ang militanteng grupong Hamas.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing tubong-Iloilo si Mary Grace pero lumipat paninirahan sa Pampanga nang makapag-asawa na.
BASAHIN: Pinay OFW na pinatay ng Hamas sa Israel, matulungin at mapagmahal sa pamilya, ayon sa mga kaanak
Naging malapit si Mary Grace sa kaniyang in-laws, lalo pa't siya ang nag-alaga sa kaniyang biyenan na babae bago siya nagtungo sa Israel para magtrabaho bilang caregiver.
Ang hipag ni Mary Grace na si Alejandra Cano, sinabing naniniwala silang buhay pa rin si Mary Grace habang hindi nila nakikita ang katawan nito.
"Wala pa kaming paniniwala. Hanggang hindi namin nakikita [ang katawan]," sabi ni Alejandra.
Una rito, isa si Mary Grace sa tatlong Pilipino na nawawala at pinaniniwalaang tinangay ng Hamas nang sumalakay ang mga ito sa Israel noong Oktubre 1 mula sa Gaza.
Nang pasukin umano ng Hamas ang bahay ng amo ni Mary Grace, kinuha ito ng Hamas, kasama ang tatlong kamag-anak ng kaniyang amo.
Nitong Huwebes, inanunsyo ng pamahalaan na natukoy ang bangkay ni Mary Grace sa pamamagitan ng fingerprint. Siya ang ika-apat na Pinoy na kumpirmadong nasawi sa ginawang pagsalakay ng Hamas sa Israel.
Ayon sa mga kamag-anak ni Mary Grace sa Iloilo, hindi pa nila alam kung papaano siya namatay at papaano natagpuan ang kaniyang bangkay.
Inilarawan ng kapatid na mapagmahal at family oriented si Mary Grace.
Sinabi ni Cano na nagsikap si Mary Grace para matulungan ang mga kamag-anak, pamilya, at kapatid.
Inihayag din niya na magkausap ang mag-asawa nang mangyari ang pagsalakay ng Hamas.
"Minuto 'yan nagtatawagan 'yan. Nag-uusap daw sila nasa loob siya ng CR tapos biglang huminto yung pag-uusap nila. Tapos may narinig silang putukan. Hindi na nakausap yung asawa niya," ayon kay Cano.
Panawagan niya sa gobyerno, "Mahal naming pangulo gusto po namin ang hipag ko dumating dito sa amin ng walang ano...ipaglaban naman ninyo, kailangan namin siya."
Ayon sa ulat, tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang asawa ni Mary Grace.--FRJ, GMA Integrated News