Ikinuwento ng isang ginang ang naging huling palitan nila ng mensahe ng kaniyang mister na OFW sa Israel na pinaniniwalaan niyang kabilang sa mga dinukot ng grupong Hamas.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Clarice Pacheco na nagpapalitan sila ng text message ng kaniyang mister na si Gelienor, OFW sa Israel, nang araw na sumalakay doon ang grupong Hamas.

Ang huling mensahe umano ni Gelienor sa kaniya, "Pinasok na kami, hon, ingatan mo yung mga anak natin."

Ayon sa Philippine Embassy officials sa Tel-Aviv, kinukumpirma pa nila kung bihag nga ng Hamas si Gelienor.

Isa si Gelienor sa pitong Filipino sa Israel na nananatiling "unaccounted" o hindi pa nakokontak mula nang sumiklab nitong Sabado ang bakbakan ng Israel at Hamas.

Sinabi ni Clarice na may napanood siyang video sa social media at doon niya nakita na kabilang ang mister niya sa mga isinama ng Hamas.

"Base po sa video, makikita niyo po dun na sinakay po siya tapos hanggang ngayon wala pa ring balita kaya nag-aalala na po kami," saad ng ginang.

"Sir, President sana po matulungan nyoi po kami na mahanap yung asawa ko. Nagmamakaawa po ako kasi ang hirap po, wala naman po kasalanan yung asawa ko,” pakiusap ni Clarice.

Tiniyak naman ng opisyal ng Pilipinas na ginagawa nila ang lahat para malaman ang kinaroroonan ng mga Pinoy na hindi pa nakokontak.

Kung sakaling bihag sila ng Hamas, magkakaroon umano ng negosasyon para mapalaya ang mga Pinoy.

“We have to negotiate, for example for the safe return, lalo na neutral naman tayo diyan at hindi tayo talagang kasama dun sa kanilang conflict, so siyempre may mga diplomatic negotiations na mangyayari sa pagitan ng Hamas and the Philippine government,” paliwanag ni Philippine Ambassador to Israel Pedro "Junie" Laylo.

Inihayag naman ni Consul General and Deputy Chief of Mission Anthony Mandap, na lalong tumataas ang panganib na posibleng may masamang nangyari habang tumatagal na hindi nakakaugnayan ang mga Pinoy na hindi pa makontak.

"Maaring nasa masamang kalagayan kaya sa lalong madaling panahon makakita kami ng senyales. We keep on looking for signs of life," saad niya.

Ilang Filipino pa sa Israel, ang nakuwento ng kanilang karanasan sa ginawang pag-atake ng Hamas sa Israel.

Si Repuela Torres, sinabing nagtago sila ng inaalagaan niyang Israeli senior citizen sa bomb shelter o mamad sa loob ng 35 oras na isang bote lang ng tubig ang dala nila.

"Yun yung time na ni-lock ko na yung mamad kaya pinagbabaril po, buti na lang po hindi po nabuksan. Safe po talaga ni-lock ko talaga siya," kuwento niya.

"Nag-message na ako sa pamilya ko, sa asawa ako na ang bahay namin pinasok. Nasa isip ko paano kung i-hostage ako sumagi talaga sa isip ko," dagdag pa niya.

Nasagip si Torres ng Philippine Embassy personnel kasama ang Israel Defense Force. Doon niya nalaman na kabilang siya sa mga naunang nakalista na mga unaccounted na Pinoy.

"Around 3 p.m, po na rescue ako, ako na lang pala, kami ng alaga ko, ang nasa bus kasi lahat sila ok na sila," sabi niya.

Ang Filipina caregiver din na si Rebecca Sabado, sinabing sinunog naman ang kanilang bahay.

"Nakita ko yung sala nasusunog na pala kaya lumabas ako nanghingi ng tulong pero may nakita ako isang Hamas doon na buti na lang hindi ako binaril," ayon kay Sabado.

Dahil sa kaguluhan, pansamantalang isinara ang Philippine Embassy sa Tel Aviv pero maaari silang makaugnayan sa emergency number +972-54-4661188, Assistance to Nationals number 050-9114017, at email address telaviv.pe@dfa.gov.ph.

Ang Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration, nagbukas ng 24/7 hotlines para sa mga OFW sa Israel at kanilang mga pamilya:

Landline:
+63 2 1348
Viber and WhatsApp:
+63 908 326 8344
+63 927 147 8186
+63 920 517 1059

Ayon sa s population and immigration authority ng Israel, nasa 30,000 Filipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa kanilang bansa, na karamihan ay mga caregiver.—FRJ, GMA Integrated News