Nasaksihan mismo ng isang Pinay caregiver sa Israel kung paano namatay sa pag-atake ng Hamas group sa Kibbutz Nahal Oz, malapit sa Gaza border ang amo niyang matandang lalaki. Hindi naman iniwan ng OFW ang matandang babae na kaniyang alaga na isinama niya para magtago.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ni Mariza Benting, na magpapaiwan sana sa common area ng housing facility ang kaniyang among lalaki pero napasok na pala ng grupong Hamas ang kanilang lugar.
"Nakita ko mismo si lolo, pinagbabaril sa sala. Nanonood ng TV bigla na lang nagpuputukan sa upuan ni lolo duon mismo tumama yung mga bala as in ratrat talaga sobra. Si lolo tumayo pa siya tapos pagtayo niya wala bumagsak na siya," ayon kay Benting.
Gusto man daw niyang kunin ang nabaril na amo, kinailangan na niyang sagipin ang kaniyang sarili at ang isa pang lola na amo niya para magkubli sila sa bomb shelter.
"Nag-stay kami ni lola sa loob talagang nagyakapan kami. Akala ko papasukin kami don sa mammad. Akala ko katapusan ko na pero salamat pa din dininig ni God yung panalangin namin,” umiiyak niyang kuwento.
Habang umaatake ang Hamas, nagtago rin ang iba pang Pinay caregiver sa mga bomb shelter sa lugar hanggang sa dumating ang mga sundalo ng Israel.
Bagaman kumatok ang mga nagpakilalang Israeli solidiers para iligtas sila, hindi sila kaagad nagbukas dahil hindi sila nakatitiyak kung talagang Israeli soldiers ang mga ito.
"Since hindi kami sure at wala rin naman pong announcement sa group chat lalo na po dun sa Kibbuts namin, kahit ano pong ginawa nila hindi po kami sumagot, hindi rin po namin binuksan," sabi ni Sally Macadini, na kabilang sa Pinay caregiver na inilikas ng Israeli forces.
Kahit hindi sila nagbukas, nananatili raw sa lugar ang mga sundalong Israeli hanggang sa magpasya silang lumabas na.
Dinala ng mga sundalong Israeli ang mga Pinay caregiver , kasama ang kanilang Israeli employers sa ligtas na lugar na bahagi ng Mishmar Haemek.
Una rito, sinabi ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes na isang Filipino ang iniulat na kabilang sa mga tinangay ng grupong Hamas kaugnay sa ginawang pagsalakay nito sa Israel, habang limang naman ang hindi makontak.
Batay sa ulat mula sa Philippine embassy sa Tel Aviv, isang Filipina ang nakipag-ugnayan sa Filipino diplomats at sinabing, "she recognized her husband in one of the videos circulating in social media, which shows a man being held by armed individuals, and most likely brought to Gaza."
"Post urgently relayed this to the Israel military authorities. Post cannot independently verify his identity based on the video alone but considers the report of the wife as important. We are also working with community contacts on his case," ayon sa DFA.
Sa kabuuan, anim na Filipino, kabilang ang hinihinalang dinukot ng Hamas, ang "unaccounted" at hindi sila makontak sa kanilang mobile number at social media accounts.
Sa panayam ng mga mamamahyag, sinabi ni Anthony Mandap, Philippine embassy Deputy Chief of Mission, na pawang mga overseas Filipino worker (OFW) ang anim.
Tinatayang mayroong 30,000 Filipinos sa Israel na karamihan ay mga caregiver. -- FRJ, GMA Integrated News