Nakauwi na sa Pilipinas ang isang overseas Filipino worker na nakaranas umano ng pagmamaltrato sa kaniyang amo sa Saudi Arabia.
Sa ulat ni Russel Simorio sa Mornings with GMA Regional TV nitong Huwebes, sinabing Setyembre 4 nang makauwi na sa kaniyang bayan sa Mangaldan, Pangasinan ang OFW na si Jessica de Vera, 25-anyos, sa tulong ng Migrant Desk Office ng munisipalidad.
Kuwento niya, halos hindi na siya makakain dahil sa dami ng ipinapagawa ng kaniyang amo. Kinukuha din umano ang kaniyang gamit at ikinulong siya kuwarto at dinuduraan.
Inaabot din daw ng hanggang 3:00 ng umaga ang paglilinis niya sa dalawang bahay.
"Pagod na pagod ka na tapos duduraan ka pa. Ginagawa mo na nga nang tama yung trabaho mo," saad niya. "Hindi na nga ako nagrereklamo tapos kahit pagod na pagod ako pinagmamasahe pa ako. Hindi ko naman na trabaho yung magmasahe."
Ayon kay Ernie Cuison, Mangaldan Migrant Desk Officer, kaagad silang umaksyon nang makarating sa kanila ang impormasyon tungkol sa sitwasyon ni De Vera.
"Hindi naman natin gusto na may ganoong pangyayari sa mga kababayan natin kaya agad tayong umaksiyon," sabi ni Cuison.
Ngayon taon, umabot na umano sa pitong OFW na nakaranas umano ng pagmamaltrato ang natulungan ng Migrant Desk ng Mangaldan na makauwi.
Bagaman naging tila bangungot ang naging karanasan ni De Vera sa pagtatrabaho sa KSA, sinabi niya na handa siyang makipagsapalaran muli sa ibang bansa. --FRJ, GMA Integrated News