Sa lawak ng pinsala at dami ng mga bahay at establisimyento na natupok sa Maui, Hawaii, minamarkahan na ng mga awtoridad ng "X" ang kanilang napasok at nasuri bilang palatandaan.
Ayon kay Kit Zulueta Furukawa, director ng Maui Filipino Chamber of Commerce, inaasahan na ang matagal na paghihintay para malaman ang kalagayan ng mga Pinoy na naapektuhan ng trahediya dahil sa lawak ng pinsala.
Pinayuhan na rin umano ng mga awtoridad ang mga pamilya na may nawawalang kamag-anak na magsumite ng kanilang DNA sample na magagamit para maikumpara sa nakikitang mga natupok na bangkay.
“Ang priority ng local authorities dito is the safety of the first responder and to secure the area... I think there are efforts that will come eventually for [a] list of names. Hindi ko rin alam eh, I'm no expert but this is fire burned victims so I can see reports of experts flown in from other places. Like I mentioned, they are bringing experts with expertise in identifying bodies," pahayag ni Furukawa sa GMA Integrated News.
Habang patuloy ang paghahanap sa mga posibleng mga labi ng biktima, minamarkahan ng "X" ng mga awtoridad ang mga napasok nang lugar.
Mayroon nang US Army National Guard na nagbabantay sa "ground zero" para ma-secure ang lugar at ang mga katawan ng biktima na susuriin ng forensic experts.
Umabot na sa 93 ang kumpirmadong nasawi. Ilan umano sa mga biktima ay labis na nasunog.
Kabilang ang ilang Filipino-Americans na miyembro ng US Army National Guard ang bahagi ng search and recovery teams.
Ayon kay Sergeant Angelo Onangan, malawak ang search and recovery area, at nakatuon ang kanilang atensyon sa ngayon sa pagsagip at paghahanap sa taong nasa lugar pa.
"Today is basically going to be mostly rescue and search for the people that are currently still in the burnt area. We're trying to mitigate people that are coming in, looking for their families and making sure everybody is accounted for... At the moment, there are a lot of people that are still missing. They couldn't get a hold of their family members," ani Onangan.
Sa pahayag ng County of Maui, mayroong siyam na emergency shelters na kumakalinga sa mga residente at turistang naapektuhan.
May bubuuin din na Family Assistance Center para sa mga naghahanap ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa ulat, nasa 90% ng wildfire ang nakontrol na.
Pinapangambahan na kabilang ang nasa 100 Pinoy ang kasama sa mahigit 1,000 katao pa na nawawawala dahil sa trahediya. —FRJ, GMA Integrated News