Lalo pang nababawasan ang populasyon ng Japan, habang dumadami naman ang mga dayuhan na naninirahan sa kanilang bansa, batay sa datos ng gobyerno.

Ayon sa ulat ng Reuters, nagkakaroon ng malaking papel ngayon ang pagdami ng mga dayuhang residente sa Japan na umaabot sa halos 3 milyon, para tugunan ang tumatanda at lumiliit na populasyon ng bansa.

Batay umano sa resident registration data hanggang Enero 1, 2023 na inilabas ng Ministry of Internal Affairs and Communications, "the number of Japanese nationals fell for a 14th year, by about 800,000 people, to 122.42 million."

Sa kauna-unahang pagkakataon, bumaba umano ang bilang ng Japanese residents sa lahat ng 47 prefectures nito.

Kung babawasan ang mga Japanese national, nadadagdan naman ang mga foreign national na naninirahan sa Japan.

Batay umano sa datos, umaabot ang bilang ng mga dayuhang residente sa Japan sa 2.99 milyon, na  10.7% na pagtaas kumpara noong 2022.

Bumaba umano ang total population ng Japan sa 125.42 million, o pagkabawas ng nasa 511,000, ayon sa bagong datos.

Naitala ang pagbaba ng populasyon ng Japan taun-taon mula noong 2008 dahil sa mababang birth rate, na naging record low noong 2022.

Ayon sa tagapagsalita ng pamahalaan, gumagawa sila ng iba't ibang paraan para matugunan ang problema. Isa na rito ang pagbibigay ng trabaho sa mga maraming kababaihan.

"To secure a stable workforce, the government will promote labour market reforms to maximise the employment of women, the elderly and others," ayon kay Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno.

Plano rin ng pamahalaan na maglaan ng 3.5 trillion yen ($25 billion) bawat taon para sa child care at iba pang hakbang upang masuportahan ang mga magulang.

Inihayag ng isang grupo ng Tokyo-based public think tanks noong nakaraang taon na kakailanganin ng Japan ang mas maraming foreign workers pagsapit ng 2040 para makamit ng pamahalaan ang economic growth forecasts nito.

Nasa Tokyo umano ang malaking bilang ng mga foreign residents sa Japan na tinatayang 581,112 o katumbas ng 4.2% ng populasyon sa kanilang kabisera.

Nitong nakaraang Pebrero, iniulat na nasa 100,000 job openings ang iaalok na trabaho ng Japan para sa mga Pinoy ngayon taon ng 2023.

Sinabi ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa, na ang mga trabaho ay nasa larangan ng health care, outsourcing, tourism, at information technology.—Reuters/FRJ, GMA Integrated News