May binubuong application o app sa internet ang Department of Migrant Workers (DMW) para makakuha ng Overseas Employment Certificates (OEC) ang mga Overseas Filipino workers (OFW) via online upang hindi na nila kailangang pumila.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, ang naturang hakbang ay alinsunod sa pagtalima sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapabilis ang pagkuha ng OEC at mawala na rin ang P100 fee.
“May mga kababayan tayo lalo yung professionals nakakauwi 'yan minsan twice a month so twice a month nila iisipin ang OEC,” pahayag ng kalihim.
“Ang ginawa namin nakatali na sa duration ng contract ng worker so as long as hindi siya nagpapalit ng employer o lumilipat ng bansa ang contract na 'yon walang pagbabago nasa data base namin 'yon,” dagdag ni Ople.
Tinatayang P250 milyon umano ang mawawalang kita ng gobyerno sa pag-alis ng singil sa OEC sa land-based OFWs.
Gayunman, sinabi ni Ople na maliit na halaga iyon kung ikukumpara sa kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya at kaban ng bansa.
Ayon kay Ople, kapag natapos na ang app na "OFW Pass," kailangan lamang i-download ito ng OFW sa kanilang cellphone para makakuha na ng OEC, at hindi na nila kailangan pang pumila.
Aprubado na umano ng pangulo ang app pero kailangan pang masuri ng Department of Information and Communications Technology para matiyak na secure itong gamitin.
“Digital na siya hindi na siya papel gaya ng OEC, hindi na kailangan sila pumila to obtain the pass kasi nasa cellphone na nila yun they just need to show it sa Bureau of Immigration,” paliwanag ni Ople.— FRJ, GMA Integrated News