LAS VEGAS, NEVADA - Kalunos-lunos ang sinapit ng isang Pinay sa Southwest Las Vegas Valley matapos itong dukutin, ihostage, at patayin ng kanyang ex-boyfriend na tatay ng kanyang anak.

Sa report ng Las Vegas Metropolitan Police Department (LVMPD), dinukot ng suspect na si Steven Robert Evans, 41-taong-gulang, ang biktimang Pinay na si Rizza Abrera, 38-taong-gulang, sa isang nail salon sa Eastern Avenue.

Armado ng baril, pwersahang kinaladkad ng suspect ang biktima at isinakay sa sasakyan nito.

Agad naman natuntun ng mga pulis ang sasakyan ng suspect sa kanyang apartment kung saan nagkaroon ng standoff.

Nagakaroon ng mahabang negosasyon pero nagmatigas ang suspect kaya napilitan na ang LVMPD SWAT Team na pasukin ang apartment ng suspect. 

Ngunit pagpasok ng awtoridad, nakita nilang patay na si Abrera at ang suspek. 

Ayon sa LVMPD  ang tama ng suspek ay "self-inflicted gunshot wound".

Natuklasan naman sa loob ng apartment ang dalawang babae at isang 3-taong-gulang na bata na kasamang hinostage ng suspect.  

Wala pang inilalabas na impormasyon ang Les Vegas Metropolitan Police Department kung ano ang motibo ng suspek. 

Hindi rin malinaw kung papano pinatay ng suspect ang biktima na kasalukuyang iniimbestigahan ng LVMPD Homicide section  

Naulila ng biktima ang apat na anak nito. —Dave Llavanes Jr./ VAL, GMA Integrated News