Tatlong Pinoy ang nasawi sa nasunog na food factory sa Taiwan, at limang iba pa ang nasugatan, ayon kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Silvestre Bello III.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, kinilala ni Bello ang mga nasawi na sina Renato Larua, 30, mula sa Cavite; Nancy Revilla ng Marinduque; at Aroma Miranda mula sa Tarlac.
Naipaalam na umano sa pamilya ng mga biktima ang nangyaring trahediya.
Ayon kay Bello, nangyari ang insidente sa ikalawang palapag ng Lian-Hwa Foods Corporation sa Changhua county sa central Taiwan dakong 6 a.m. nitong Martes.
"My heart goes out to them in their hour of extreme sorrow," pahayag ni Bello sa kaniyang pakikidalamhati sa pamilya ng mga biktima.
Tiniyak ng MECO ang tulong na ibibigay ng pamahalaan ng Pilipinas at Taiwan para sa pamilya ng mga biktima.
"We are in close coordination with police authorities regarding the incident and investigation, and the swift repatriation of the remains of those who died," he said.
Samantala, ang mga nasugatang Pinoy ay sina Sheila May Abas, Jessie Boy Samson, Maricris Fernando, Rodel Uttao at Santiago Suba Jr., na pawang dinala sa ospital.
Ayon kay Bello, maliban kay Fernando na nasa intensive care unit (ICU), maayos at "stable" ang kalagayan ng mga nasugatan.
"They are still under observation in different hospitals. They suffered severe carbon monoxide poisoning and are currently undergoing hyperbaric oxygen therapy," paliwanag ni Bello, bumisita sa mga Pinoy sa ospital.
"As of presstime and per attending nurse. [the] feedback is four of them are already conscious, stable and recovering well. On the other hand, there is still concern regarding the condition of OFW Fernando since she is still in ICU and has not yet regained consciousness. During our visit yesterday, she is undergoing dialysis," dagdag ng opisyal.—FRJ, GMA Integrated News