Kabilang ang ilang Filipino sa mga dayuhan na tinulungan ng pamahalaan ng France na makaalis mula sa Sudan na nakararanas ngayon ng kaguluhan, ayon sa kanilang embahada sa Manila.

"France continues its evacuation operations launched in Khartoum for French nationals and citizens of other countries, including the Philippines, wanting to leave Sudan," ayon sa embahada na hindi idinetalye kung ilang Pinoy ang kanilang inilikas.

Ayon sa embahada, isinasagawa nila ang paglilikas sa pamamagitan ng navy frigate Lorraine, na katuwang din ng United Nations sa evacuation operation sa Port Sudan.

Mula nang isagawa ang evacuation operation, sinabi ng France na 538 katao na ang kanilang nailikas, kabilang ang 209 French nationals at mga foreign national mula sa 41 bansa.

"France stands in solidarity on the ground by answering the call of many European and allied partners who reported their nationals in Sudan. The French Crisis and Support Centre (CDCS) contacted them to locate them and proceed as quickly as possible to their evacuation," ayon sa kanilang embahada.

Ang kaguluhan sa Sudan ay bunga ng bakbakan ng kanilang military forces at paramilitary.

Sinimulan na rin ng Pilipinas ang paglilikas sa mga Pinoy sa Sudan. Una rito, iniulat ng Department of Foreign Affairs na 50 kababayan na ang nakaalis ng Khartoum by land noong Lunes ng gabi.

Dadalhin ang mga inilikas sa Cairo, Egypt.

Samantala, nasangkot naman sa aksidente ang sinasakyan ni Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago, na may hurisdiksyon sa Sudan.

Patungo umano sa border Tago para umalalay sa mga lumilikas nang mangyari ang aksidente, ayon sa DFA.

"Fortunately he was unharmed," sabi ni DFA spokesperson Tess Daza. "He has returned to Cairo and will be flying to the border to facilitate the entry of  Filipino evacuees to Egypt." —FRJ, GMA Integrated News