Pinag-aaralan ng pamahalaan ng Pilipinas na ihanap ng trabaho sa Saudi Arabia kahit na pansamantala lang ang mga Pinoy worker na umiiwas sa kaguluhan sa Sudan.
"We are trying to explore the possibility that those who wished to be hired, instead of coming home kasi naiintindihan naman natin 'yung iba ayaw umuwi kasi iniisip nila wala din naman kaming trabaho doon, might as well stay," ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople.
"Then tingnan natin kung baka humupa 'yung sitwasyon ano, but we're exploring the possibility of temporary jobs for them in Saudi Arabia. We are working this out and we will have more concrete information once we work this out," dagdag ng kalihim.
Magtutungo si Ople sa Cairo, Egypt para tingnan ang sitwasyon ng mga Filipino na apektado ng kaguluhan sa Sudan bunga ang laban ng militar at para-military groups doon.
Nauna nang inihayag ng Department of Foreign Affairs na umalis na sa Khartoum, Sudan ang unang batch ng 50 Pinoy na dadalhin sa Cairo.
Ayon kay Ople, mayroong 725 Filipino ang nakipag-ugnayan sa Philippine Embassy para humingi ng tulong. Sa naturang bilang, 327 ang nais na mare-repatriate.
"The President's directives were number one, to get all of them to safety as quickly as possible. Number two, it shouldn't matter whatever papers they have or if they don't have any papers at all..." anang kalahim.
"To quote the President, kung marunong mag-Tagalog, marunong mag-Bisaya, marunong mag-Ilokano, marunong ng iba't-ibang dialect sa atin, Pinoy 'yan, we will help," dagdag ni Ople.
Sinabi ng kalihim na maglalagay sila ng welfare assistance desks doon at pagkakalooban ng tig-$200 ang mga lilikas.—FRJ, GMA Integrated News