Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 50 Filipino na ang nailikas mula sa Khartoum, Sudan nitong Lunes ng gabi. Sinabi naman ng ilang senador na dapat bilisan ang paglilikas.
Sinabi ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza nitong Martes, na by land umalis ang first batch ng mga Filipino evacuees mula sa Khartoum dakong 8 p.m. (Manila time) nitong Lunes.
Dadalhin sila sa Aswan sa Egypt, at pagkatapos ay bibiyahe muli patungo sa kabisera na Cairo.
Nauna nang sinabi ng DFA nitong Lunes na 156 Filipino sa Sudan ang humingi ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas para makaalis sila sa Sudan.
Inililikas na ang mga dayuhan sa Sudan dahil sa labanan ng Sudanese military at paramilitary group.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, vice chair ng Senate foreign relations committee, dapat bilisan ng pamahalaan ang paglilikas sa mga Pinoy sa Sudan habang papalapit nang matapos ang 72-hour ceasefire ng naglalabang grupo.
“The government should hire buses at once to ensure their quick repatriation given the deteriorating condition in Sudan. We should likewise seek the assistance of Egypt. And from Cairo, we can fly them to Manila,” ani Tolentino.
Sinabi rin ni Senate foreign relations chair Senator Imee Marcos, na dapat samantalahin ng pamahalaan ang 3-day ceasefire para maiuwi ng bansa ang mga Pinoy sa Sudan.
"Mukhang malala ang sitwasyon at hindi naman natin alam kung talagang gagalangin ang sinasabing ceasefire nang matagalan. Habang may panahon at pagkakataon, sana iuwi na natin sa lalong madaling panahon,” ani Marcos.
Nitong Lunes, iniulat na ilang Pinoy sa Sudan ang umarkila na ng bus para makaalis ng Khartoum, at hindi na nahintay ang gagawing paglilikas sa kanila ng pamahalaan. — FRJ, GMA Integrated News