Hindi na nahintay ng ibang Filipino na nasa Sudan ang evacuation na gagawin sa kanila ng pamahalaan ng Pilipinas. Sinamantala nila ang ilang araw na tigil-putukan ng magkalabang grupo at umarkila ng masasakyan upang makalayo sa kaguluhan.

May mga bansa na sinimulan nang ilikas mula sa Sudan ang kanilang mga kakababayan kasunod ng tumitinding bakbakan ng dalawang puwersa ng militar doon--ang Sudanese Armed Forces at Paramilitary Rapid Support Forces.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng OFW na si Anthony Buhay na nagkakaroon na rin ng problema sa mobile phone signal sa kabisera na Khartoum dahil sa nangyayaring labanan.

Dahil may ipinatupad na ilang araw na tigil-putukan, may mga bansa nakapagsagawa ng evacution sa kanilang mga kababayan sa Khartoum.

“Kaya po magagawan po ng paraan kasi naka ceasefire po, puwede pong bumiyahe ang bus papunta pong Port Sudan o sa mga probinsiya po ng Sudan. Sana po ganun na po muna ang gawin sa amin hanggat hindi po kayo makapasok,” panawagan ni Buhay sa pamahalaan ng Pilipinas.

Iminungkahi rin niya sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maaaring humanap ang ahensiya ng isang lugar na maaaring puntahan ng mga OFW upang doon maghintay ng gagawing paglikas sa kanila.

“Maghanap ng lugar na puwede kaming pag-ipon-ipunin. Para sa ganun mas madali po para sa inyo yung pag-rescue sa amin kung sakaling wala na kaming mga contact,” dagdag niya.

Gayunman, sinabi ng OFW na nagrenta ng bus ang kanilang grupo na maghahatid sa kanila sa border ng Sudan at Egypt. Umaasa siyang walang magiging aberya sa kanilang biyahe at may delegado sana ng Philippine Embassy na maghihintay o maaari nilang lapitan sa lugar.

Bumiyahe na rin paalis ng Khartoum at lumipat ng ibang lugar ang pamilya ni John Emil Deza.

“Nandito po kami ngayon sa Sobab, bali lumikas na po kami ng mother ko tsaka kasama ko po ‘yung mga estudyante ng Islamic. Lumayo po muna kami sa capital city po ng Khartoum,” ani Deza.

“Gumagawa na lang po ng paraan yung ibang mga Pilipino sa bagal ng proseso ng embahada natin,” sabi pa niya.

Kabilang sa mga bansa na sinimulan nang maglikas ng kanilang mga kababayan sa Sudan ang Saudi Arabia, Japan, South Korea at India.

Una rito, kinumpirma ng DFA na may tatlong Pinoy na nagtatrabaho sa Saudia Airlines, ang kasama sa mga nailikas ng Saudi Arabia paalis ng Sudan.

Pero apela ni DFA Undersecretary Jose de Vega sa Pinoy sa Sudan, hintayin ang abiso nila patungkol sa gagawing pagsundo sa kanila na sinasabing sisimulan ngayong Lunes.

“Hindi ka puwedeng umalis ng Sudan kapag wala kang papeles. ‘Yung iba wala silang valid passport,” ayon kay De Vega.

“Hindi ito para maiwan sila sa Egypt o lumipat ng bansa. Uuwi sila ng Pilipinas, handa ang pamahalaan ng Pilipinas na bigyan sila ng plane tickets,” dagdag niya.--FRJ, GMA Integrated News