Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Israel ang mga Pinoy na iwasan o ipagpaliban ang pagpunta sa mga matatao at sentibong mga lugar sa naturang bansa hanggang sa April 30, 2023 dahil sa usapin sa seguridad.
Ang mga lugar ay ang :
- West Bank;
- Jerusalem
- Temple Mount
- Damascus Gate
- Herod's Gate
- Al Wad Road
- Musrara Road
- mga lugar sa paligid ng East Jerusalem; at
- mga lugar na malapit sa hangganan ng Gaza at Lebanon
Nagpaalala rin ang embahada na maging maingat at mapagmatyag sa kanilang paligid.
Dapat din umanong iwasan ng mga Pinoy na kumuha ng larawan o video, o huwag lumapit sa mga lugar na may nagaganap na kaguluhan, at sa halip ay makabubuting lumayo kaagad.
"Mag-ingat sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan," sabi pa ng embahada sa abisong inilagay sa Facebook page noong Biyernes.
Pinayuhan din ang mga Pinoy na huwag lumapit sa mga Israeli security forces na nakatalaga sa mga sensitibong lugar, at sundin ang patakaran na inilabas ng Israeli security forces at Home Front Command.
Kung may emergency, pinayuhan ang mga Pinoy doon na makipag-ugnayan sa embahada sa:
- Magen David Adom - 101
- Police - 100
- Home Front Command - 104
- Israel Electric Corporation - 103
- Municipality Call Center - 106/107/108
- Philippine Embassy emergency hotline: +972-54-466-1188
"Mahalaga sa Embahada ang inyong kaligtasan at kapakanan. Mag-ingat po tayong lahat," paalala nito.
Kamakailan lang, pinagbabaril ng isang Palestinian ang isang Israeli couple na nasa sasakyan sa West Bank. Nasugatan ang lalaki, ayon sa ulat ng Reuters.
Nagkakaroon din ng protesta ang mga Israeli matapos sibakin ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang kaniyang Defense Minister na si Yoav Gallant, na tumutol sa planong pagbabago sa kaniyang judicial system. —FRJ, GMA Integrated News
