Hinahangaan umano ang husay ng mga Filipino careworker sa Japan kaya inaasahan na kukuha pa ng karagdagang manggagawang Pinoy ang naturang bansa para mag-alaga sa kanilang mga nakatatanda at maging sa mga bata.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nasa 125 milyon ang populasyon ng Japan batay sa world population dashboard ng United Nation.

Sa naturang bilang, lumilitaw naman sa nakalap na datos ng GMA Integrated News Research, na 28.6% ng populasyon ng Japan noong 2020 ay nasa 65-anyos pataas.

Ang mga bata na edad 0 hanggang 14, nasa 11.8% naman noong 2021.

Kabilang si Racquel Macaldo sa mga Pinoy na nagtatrabaho bilang careworker o caregiver sa Japan.

Sa apat na taon niyang pagtatrabaho sa Japan, sinabi ni Macaldo na masarap magtrabaho sa naturang bansa. Ang kinikita niya rito ang ipinambubuhay niya sa kaniyang pamilya na nasa Pilipinas.

Ang among Hapon ni Macaldo, bilib sa pagtatrabaho ng mga Pinoy careworker dahil sa maasikaso at palangiti umano kaya plano raw nito na kumuha pa ng mga manggagawang Pinoy.

Payo naman ni Marie Grace Tobe, na caregiver din, dapat mag-aral ng salita ng Hapon kahit kaunti o basic ang mga Pinoy na magtatrabaho sa Japan para madaling makipag-komunikasyon sa mga kasama.

Si Noemi Gutierrez Ogura, na 32 taon nang nasa Japan, pinayuhan ang mga Pinoy na nagpaplanong magtrabaho doon na maging maingat sa mga recruiter lalo na kapag nanghihingi na ng pera.

“Nanghihingi na ng pera, yun ang number one pagkaka-ingatan natin. 'Pag sinabing, penge po ng ganito, or training fee ganun, bakit po? Magtanong po kayo, para saan po,” payo niya.

Mula 2009 hanggang 2023, nasa 3,372 Filipino nurses at caregivers ang naipadala ng Pilipinas sa Japan sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement or J-PEPA.

Hindi pa kasama rito ang mga careworker na naipadala sa Japan sa pamamagitan ng mga agency.

Naghihintay umano ang Department of Migrant Workers ng panibagong kahilingan mula sa Japan para magpadala doon ng mga Filipino careworker.

Ang Philippine Association of Service Exporters Incorporated o PASEI, sinabi naman na nakatanggap sila ng mga job order para sa mga caregiver sa Japan.

Nakikipag-ugnayan umano ang organisasyon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para magkaloob ng libreng Japanese language proficiency training sa mga mag-a-apply na  caregiver sa Japan.--FRJ, GMA Integrated News