Duda ang mga kaanak ng isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) sa Kingdom of Saudi Arabia kung talaga nga bang nasawi ito matapos na aksidente masunog ang bahay ng kaniyang amo.

Sa ulat ni  Sarah Hilomen-Velasco sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang OFW na si Rodelyn Villanueva, 27-anyos, tubong Midsayap, Cotabato.

Nag-aalaga umano si Rodelyn ng 14-anyos na person with disability, na anak ng kaniyang amo.

Noong nakaraang Enero 26, aksidente umanong nasunog ang bahay ng amo ni Rodelyn na ikinasawi nito, habang kritikal naman ang kalagayan ng kaniyang alaga.

Pero may pagdududa ang kaniyang mga kaanak sa Midsayap sa nangyari, maging sa kung talagang nasawi ba si Rodelyn dahil hindi umano nakita ng kapatid nito na nasa KSA rin, ang kaniyang mga labi.

Batay umano sa nakuha nilang impormasyon mula sa bayaw ni Rodelyn, pinuntahan ng kapatid ng OFW na nasa KSA rin, ang bahay ng amo ng biktima at nakita nito na hindi nasunog ang buong bahay.

Hindi rin umano nasunog ang mga gamit ni Rodelyn, pero hindi na makita ang kaniyang cellphone.

Tumanggi rin umano ang amo ni Rodelyn na makita ng kapatid ang bangkay ng OFW. Nakita rin umano nila na naka-on pa ang messenger ni Rodelyn.

Kaya panawagan sa pamahalaan ng mga kaanak ni Rodelyn, imbestigahan ang buong pangyayari, at matulungan silang maiuwi sa Pilipinas ang kaniyang mga labi kung tunay na patay na ito.

Nangako naman ang agency ni Rodelyn na tutulong sila sa mga kailangang dokumento at pagbibigay ng mga benepisyo para sa mga kaanak ng nasawing OFW.--FRJ, GMA Integrated News