Nabalian ng mga paa matapos tumalon mula sa bintana na nasa ikatlong palapag ng bahay ang isang Pinay domestic worker sa Kuwait para makatakas sa kaniya umanong amo na nananakit. Nagalit daw ang amo nang mahuli umanong nagti-Tiktok ang OFW.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang biktimang OFW na si Myla Balbag. Bukod sa pinsala sa paa, posible rin umanong naapektuhan ang gulugod ni Balbag na nakaratay sa Jaber Al Ahmad Sabah Hospital.
“Binabantayan nga natin na siya, mga taga-DMW-OWWA [Department of Migrant Workers-Overseas Workers Welfare Administration], kasama niya, hanggang siya ay ready na para sa therapy. Then 'pag naisyuhan na siya ng clearance na fit to fly, iuwi na natin siya,” ayon kay OWWA Administrator Arnel Ignacio.
Dahil sa naturang insidente, muling iginiit ni Senador Raffy Tulfo ang kaniyang panawagan na magpatupad ng deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.
Naghain din ng resolusyon si Tulfo para repasuhin ang bilateral agreement at standard employment contracts para sa mga OFW sa Kuwait.
Nauna nang ipinanawagan ni Tulfo ang pagpapatupad ng deployment ban matapos masawi ang OFW na si Jullebee Ranara, na nakita ang sunog na bangkay sa disyerto.
Ayon kay Ignacio, magpapadala ang DMW ng team para suriin at pag-aralan ang mga lugar na may mataas na insidente ng karahasan sa mga OFW.
“Magpapadala tayo doon ng isang team na mag-aanalisa, bakit nga ba ganito no, area per area lalagyan natin ng demographics kung ano ba yung medyo notorious na lugar so yun ang gagawin nila, isusubmit nila dito for further studies,” ayon sa opisyal.
Idinagdag niya na pinalawak din ng OWWA ang 1348 help lines para sa mga OFW na kailangan ng tulong.
“Based on experience…ang unang-una kailangan may mag-hello, ‘yun muna e and then that should start the process of solving your problem,” ani Ignacio. --FRJ, GMA Integrated News