Nangako ang Minister of Foreign Affairs ng Kuwait na pananagutin sa kanilang batas ang suspek sa ginawa nitong krimen sa pagpatay sa Filipina household worker na si Jullebee Ranara.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Embassy sa Kuwait, sinabi nito na nakipagkita si Kuwaiti Minister of Foreign Affairs Sheikh Salem Abdullah Al-Jaber Al-Sabah kay Philippine Chargé d'Affaires Jose Cabrera nitong Linggo.
Kinondena umano ni Sheikh Salem ang nangyaring pagpatay Ranara, na nakita ang sunog na bangkay sa disyerto.
"He (Sheikh Salem) condemned her murder and said that the perpetrator, who has been arrested and is currently in detention, will be punished for this heinous crime," sabi sa pahayag.
Hiniling din umano ng foreign minister kay Cabrera na ipaabot ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ng biktima at sa pamahalaang Pilipinas.
Ipinaliwanag din umano ng opisyal na ang ginawa ng suspek ay hindi sumasalamin sa karakter at kaugalian ng Kuwaiti society, Kuwaiti people, at Kuwaiti government.
Ayon sa mga lumabas na ulat, ginahasa at nabuntis ng 17-anyos na suspek ang 35-anyos na biktima. Sinagasaan din umano ng suspek ang biktima at sinunog.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Cabrera sa pagkilos at pakikipagtulungan ng mga awtoridad ng Kuwait para mabigyan ng hustisya ang biktima, at sa mabilis na pag-uwi ng mga labi nito sa Pilipinas.
Dumating sa bansa nitong Biyernes ng gabi ang mga labi ni Ranara, at isinailalim sa awtopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI), alinsunod na rin sa hiling ng pamilya.
Sinabi ni Sheikh Salem na ibibigay ng Kuwaiti Ministry of Foreign Affairs ang kailangan tulong ng Philippine Embassy para masubaybayan ang kaso ni Ranara.--FRJ, GMA Integrated News