Dumating na sa bansa nitong Biyernes ng gabi ang mga labi ni Jullebee Ranara, ang household service worker sa Kuwait na ginahasa umano, nabuntis, pinatay at sinunog ng 17-anyos na anak ng kaniyang amo.
Sa ulat ni Jaime Santos sa GTV "State of the Nation," sinabing isasailalim sa awtopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga labi ni Ranara batay na rin sa hiling kaniyang pamilya.
Nangako naman umano ang Overseas Workers Welfare Administration na gagawin ang lahat para makamit ni Ranara ang hustisya.
Humiling naman ang pamilya ni Ranara ng privacy habang sila ay nagluluksa. Inaasahang sa Linggo pa magsisimula ang lamay para sa namayapang OFW.
Nagpaabot na umano ng pakikiramay sa pamilya ang embahador ng Kuwait sa Pilipinas, at nangakong bibigyan ng hustisya si Ranara. --FRJ, GMA Integrated News