Dahil sa brutal na sinapit ng domestic helper na si Jullebee Ranara sa Kuwait, nais ni Senador Jinggoy Estrada na magpatupad doon ng deployment ban ng overseas Filipino workers, bagay na tinututulan naman ng kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW).

Nakita kamakailan sa disyerto sa Kuwait ang sunog na bangkay ng 35-anyos na si Ranara. Ayon kay Estrada, batay sa mga ulat sa Kuwait, ginahasa at nabuntis ng 17-anyos na anak ng amo ang OFW.

Sabi pa ng senador na chairman ng Senate labor, employment, and human resources development committee, marami nang kaso ng pagpatay sa mga OFW nangyari sa Kuwait.

"Ako nanggigigil ako dito sa bansang Kuwait sapagkat sa dami kong nababalitaan, and it is also recorded, marami na ho talagang pang-a-abuso na ginagawa itong mga amo nitong ating mga OFW," ani Estarada na nagsagawa ng privilege speech tungkol sa nangyari kay Ranara.

"That’s why, I want to recommend to the Department of Migrant Workers to ban our OFWs from working in the state of Kuwait," giit niya.

Sinabi pa ng mambabatas na sa kabila ng mga kasunduan na nabubuo ng dalawang bansa, patuloy na hindi napoprotektahan ang mga OFW laban sa mga abusadong amo.

"Gustuhin man nating itrato ito bilang isang isolated case, hindi natin maikakaila na ang Kuwait ay isa sa mga bansa na may mataas na kaso ng pang-aabuso at pagkamatay ng ating mga OFW," sabi pa niya.

Nais ni Estrada na gumawa ng mekanismo ang DMW at Department of Foreign Affairs upang masubaybayan ang kalagayan ng mga OFW at masuring mabuti ang mga among papasukan ng mga manggagawang Pinoy.

Nais din niyang alisin ang "Kafala" system na nagreresulta umano ng modernong panahon ng pang-aalipin.

Sa ilalim ng "kafala," kailangan ng dayuhang manggagawa ng local sponsor at permiso ng amo bago umalis o magpalit ng amo.

Nais din ni Estrada na tanging sa mga bansa lang na signatory ng Domestic Workers Convention ng International Labour Organization ipadala ang mga OFW.

Matatandaan na noong 2018, nadiskubre sa inabandonang apartment sa Kuwait ang bangkay og OFW na si Joanna Daniela Demafelis sa freezer.

Lebanese ang lalaking amo ni Demafelis, at Syrian ang amo niyang babae. Kasunod nang nangyari kay Demafelis, nagpatupad ng deployment ban ang noo'y pangulo na si Rodrigo Duterte.

Noong 2019, nasawi rin sa kamay ng amo sa Kuwait si Constancia Lago Dayag, na nasundan ni Jeanelyn Villavende noong Disyembre 2019.

Pero noong Pebrero 2020, inalis na ng Pilipinas ang deployment ban.
Tutol sa ban

Ayon kay DMW Secretary Toots Ople, mas nakatuon ang atensyon nila sa paghahanap ng paraan upang maprotektahan pa ang mga OFW sa halip na magpatupad ng deployment ban sa Kuwait.

"We’re not contemplating the suspension of deployment to Kuwait, but yes, we are looking at additional safeguards and reforms to make sure that our workers bound for Kuwait are better protected," sabi ni Ople sa press conference sa Senado nitong Martes.

Paliwanag ng kalihim, ang krimen laban kay Ranara ay kagagawan ng Kuwaiti national pero hindi ng mismong pamahalaan.

"Brutal, hindi dahil gustong gawin ng Kuwaiti government. Brutal dahil halimaw yung anak ng employer. For whatever reason, walang bansa o walang matinong tao that would welcome such behavior. Now, should we condemn the kuwaiti government sa kagagawan ng anak ng employer? I think those are two separate things," ayon kay Ople.

Naging mabilis din umano ang pag-aksyon ng pulisya ng Kuwait sa pagdakip sa suspek sa kaso ni Ranara.

"Ang nakikita namin on the ground, mabilis umaksyon yung Kuwaiti government sa pag-aresto don at sa ngayon, malapit na masakdal for the crime," aniya. --FRJ, GMA Integrated News