Hinalay at nabuntis umano ng 17-anyos na anak ng amo ang 35-anyos na overseas Filipino worker na nakita ang sunog na bangkay sa isang disyerto sa Kuwait, ayon sa isang senador.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inilahad ni Senador Jinggoy Estrada sa kaniyang privilege speech sa kapulungan ang detalye ng mapait na sinapit ng biktimang si Jullebee Ranara, batay umano sa mga nalathala sa media sa Kuwait.

"The victim was beaten, ran over by the perpetrator's car twice, and was burnt and left for dead in the desert," ayon kay Estrada.

Sinabi pa ng senado na isang Kuwaiti national ang suspek na dinakip na ng mga awtoridad.

“Dapat lang malaman natin ang totoo, kaya nga din dapat lang humarap sa korte ang halimaw na anak ng employer ni Julleebee - huwag pakawalan hangga't siya ay mahatulan,” giit ni Estrada.

Patuloy umanong nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa pamahalaan ng Kuwait kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

“The Embassy is obtaining official confirmation from Kuwaiti authorities on the details and tragic circumstances surrounding the death of Ms. Ranara that were reported in English and Arabic news media in Kuwait,” ani Jose Cabrera III, Charge D’ Affaires ng Philippine Embassy sa bansang Kuwait, .

Sa isang pagdinig sa Senado, inihayag ni Migrant Workers Secretary Susan "Toots" Ople ang pangangailangan na magkaroon ng employment plan para mabigyan ng trabaho ang mga kababaihan sa bansa.

"A very clear long term medium term employment strategy to increase participation of women in the Philippine labor force so that there are very clear alternatives to leaving the country," anang kalihim.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News