Isang Filipino senior citizen ang kabilang sa 11 nasawi sa insidente ng pamamaril sa loob ng isang dance parlor sa Monterey Park sa California, USA habang ipinagdiriwang ang Lunar New Year, ayon sa isang opisyal ng Philippine Consulate sa Amerika.
Sa panayam sa Dobol B TV nitong Martes, kinilala ni Deputy Consul General Ambrosio Enciso III, Philippine Consulate General sa Los Angeles, ang biktima na si Valentino Alvero, 68-anyos.
"We are trying to reach out through our Filipino community contacts to reach out dun sa family,” saad ni Enciso.
Idinagdag ng opisyal na inaalam pa nila kung may Pinoy din na kasama sa mga nasugatan sa naturang insidente.
“’Yung mga injured 'di pa nire-release ‘yung pangalan,” dagdag pa ni Enciso.
Nangyari ang pamamaril habang ipinagdiriwang ang Lunar New Year. Sampung katao ang nasawi sa mismong pinangyarihan ng insidente, habang sa ospital binawian ng buhay ang isa pa.
Mga parokyano sa Star Ballroom Dance Studio ang karamihan sa mga biktima.
"'Yung lugar na ginanapan ng krimen ay isang public hall. I think there was a party going on there," saad ni Enciso.
Dagdag pa niya, nasa 65% ng populasyon ng Montrey Park ay mga Asyano.
Bagama't hindi inilabas ang mga pangalan ng iba pang mga biktima, sinabi ng tanggapan ng coroner na ang limang babae at limang lalaki na napatay ay pawang nasa edad 50, 60 at 70.
Kinilala naman ang suspek na si Huu Can Tran, na binaril ang sarili sa loob ng puting van sa Torrance, nang aarestuhin na siya ng mga pulis.
Matinding selos ang isa sa mga tinitingnang motibo ng awtoridad sa nangyaring pamamaril.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News