Dumulog sa tanggapan ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Lunes ang mga dating overseas Filipino Workers (OFW) na nagtatrabaho sa Saudi Arabia para makuha na nila ang hindi pa nababayarang suweldo at ilang benepisyo mula sa kanilang mga employer.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa “Balitanghali”, sinabing nagtungo sa tanggapan ng DMW ang nasa 100 na dating OFW, na nawalan ng trabaho sa KSA matapos nang bumagsak ang oil prices sa naturang bansa noong 2014.
Nagdulot ito sa pagkakatanggal sa trabaho ng maraming OFW mula 2015 hanggang 2017.
Ayon sa ulat, mga dating empleyado ng isang construction company sa Saudi Arabia ang humingi ng tulong sa DMW.
Kasama rin ang biyuda ng mga pumanaw nang OFW at hindi rin nakakuha ng kanilang mga backpay at benepisyo.
Idinulog nila ang rekisito na magrehistro sa website ng gobyerno ng Saudi Arabia upang makuha ng hinahabol nilang sahod at mga benpisyo.
Ayon sa kanila, may ibang hindi makapasok sa nasabing sa website at mayroong iba na hindi tinatanggap ang kanilang mga detalye.
Hindi rin daw tinatanggap sa website ang mga detalyeng inilalagay ng mga biyuda ng mga OFW dahil hindi mismo ang asawa nila ang nagrehistro.
Hiniling nila sa DMW na gumawa ng masterlist ng mga OFW na ipapadala sa gobyerno ng Saudi Arabia.
Ayon pa sa ulat, sisikapin daw ng ahensya na magkaroon ng masterlist na maaari nilang i-report sa gobyerno ng Saudi Arabia.
Nais rin magtungo ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople sa naturang bansa para talakayin ang isyu, dagdag pa ng ulat. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News