Mapait na karanasan mula sa Kuwait bitbit pauwi ng Pilipinas ng 40 babaeng overseas Filipino worker na minaltrato umano ng kani-kanilang amo.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nakauwi ang mga OFWs ngayong araw sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kabilang sila sa 421 distressed OFWs na kinakalinga sa siksikang shelter sa Kuwait.
Ang isa sa mga OFW, ginulpi umano ng amo dahil sa paghalik niya sa ang dalawang taong gulang niyang alaga.
“Parang mamatay na po ako kasi binugbog po ako ng amo ko dahil sa paghalik ko sa alaga kong dalawang taon… lahat na po siguro, sipa, hila ng buhok, tapos inuntog po ako sa semento,” saad ng isang OFW.
Emosyonal na pahayag naman ng isa pang OFW, “Kapag sabihan kang papatayin, 'di ba matatakot ka.”
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Hans Cacdac, na nirerepaso nila ang patakaran sa pagpapadala ng OFWs.
“The main directive of Secretary Toots [Ople] to review our current recruitment policies kaya nirerepaso ang rules and regulations ngayon… para maging more safe and ethical ang recruitment processes,” saad ni Cacdac.
Sinabi ni Cacdac na nagtungo rin sila sa Kuwait para singilin ang mga recruitment agency kaugnay sa kalagayan ng mga pinagmalupitang OFW.
“Hinimok namin sila na tumulong kasi sa batas natin they have the primary responsibility to repatriate,” aniya. “Positive naman ang response nila. Agree sila na kailangang tumulong.”
Para sa mga umuwing OFW, may mga integration program, kaunting puhunan sa negosyo at pagsasanay sa pagnenegosyo ang ibibigay sa kanila. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News