Kahit puwedeng mapaso ang bibig, walang atrasan ang isang Pinay na subukan ang kakaibang pagkain sa India na literal na umaapoy kapag isinubo--ang Fire Paan.
Sa programang “iJuander”, sinubukan ng Pinay na si Elaine Diwa Patel at kanyang asawang Indian kung ano ang lasa ng Fire Paan, at ang kabaligtaran nitong bersiyon na Ice Paan.
Hindi niluluto ang Fire Paan, na betel leaf ang isa sa mga sangkap. Ang naturang dahon, papahirapan ng flavorful extract, saka lalagyan ng rose petal preserve, sweet cinnamon, coconut, powder na siyang magpapa-apoy dito, at tsokolate.
Matapos ilagay ang lahat ng sangkap, itutupi ito at saka sisindihan.
Ang nagtitinda ang nag-abot kay Elaine ng nag-aapoy na Fire Paan, at may kabilisan ang ipinasok sa kaniyang bibig.
“Ang hirap kainin nung leaves niya pero alam na alam mo na may mint sa loob,” ani Elaine.
Bilang pangontra sa init at anghang, tinikman din ni Elaine ang Ice Paan.
““Malamig siya. Nakakasakit ng ulo, minty din tulad ng Fire Paan pero mas gusto ko ito kasi hindi siya nakakapaso mas masarap,” aniya.
Nagkakahalaga ang isang order ng Fire Paan ng 120 Rupees o P82 habang 60 Rupees o P40 naman ng Ice Paan.
Samantala, tinikman naman ng isang Pinay sa China na si Ivy Ramento ang kakaibang seafood delicacy doon na kung tawagin ay geoduck.
Ang geoduck ay isang uri ng kabibe na nakabaon sa buhangin ng dagat. Para sa malikot ang isip, maihahambing daw ang hugis nito sa maselang bahagi ng katawan ng lalaki.
Pero ang mahabang parte pala ng naturang kabebe ang nagsisilbing "siphon" o tubo para mahigop nito ang tubig-dagat papunta sa nakabaong shell.
Ano kaya ang lasa nito? Panoorin ang buong video ng “iJuander.” --FRJ, GMA Integrated News