Puwedeng makasali sa raffle at may pag-asang manalo ng condominium unit, kotse o travel package ang mga overseas Filipino worker (OFW) na magsasama ng kakilala nilang dayuhan sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News “24 Oras,” sinabing inilunsad ngayong Huwebes ng Department of Tourism (DOT) ang kanilang programang “Bisita, Be My Guest.”
Ayon sa DOT, ang program ay bahagi ng kampanya para pasiglahin muli ang turismo sa bansa na bumabangon na mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“2022 was very a fruitful year with the official count as of today over 2,397,919 is initial international visitors,” sabi ni DOT Secretary Christina Frasco.
Sa programa, hihiyakatin ang mga OFW na mag-imbita sa mga kakilala nilang banyaga na bisitahin ang Pilipinas.
Kapag may nahikayat, makakasali sila sa raffle promo para sa tiyansang manalo ng condominium unit, kotse o travel package.
Makatatanggap naman ang mga bisitang dayuhan ng "travel passport" at privilege card na magagamit para makakuha sila ng discounts at regalo mula sa mga partner establishment ng DOT.
Para makasali, kailangan lang mag-login sa website ng “Bisita Be My Guest” at sundan ang mga panuntunan sa programa.
“They represent the best of Filipino people. Not only because of their hospitality but because of their innate ability to care,” giit ni Frasco.
Katuwang ng DOT ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa programang magtatagal hanggang sa 2024.
“OFWs are everywhere. In all major airports, there is always a Filipino,” ani DMW Secretary Susan Ople.
Sa susunod na taon, target ng DOT ang tatlo hanggang apat na milyong international tourist arrivals, ayon pa sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News