Level-up na raw mga premyo sa arcade. Kung dati mga laruan lang o appliances, ngayon, pwede ka nang manalo ng cellphone o kahit pa bagong motorsiklo? Paano naman kaya ito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”, isinalaysay ng seaman na si Harry Ecot kung paano siya naka-jackpot ng brand new motorcycle sa isang arcade.

Sinabi ni Harry na minsan inaabot siya ng lima hanggang anim na oras kada araw sa paglalaro sa arcade.

“Simula opening, minsan hanggang closing. Minsan diretso, Monday to Sunday po,” aniya.

Pero may pinag-iipunan daw siyang early Christmas gift para sa kaniyang misis na si Charielle Grace.

Kukunin raw niya ito sa pamamagitan ng paglalaro sa arcade. 

“Dalawang beses na ‘yung misis kong nawalan ng cellphone,” ani Harry.

Ayon kay Harry, kakailanganin niya ng 800,000 tickets para makuha ang mamahaling bagong cellphone.

Makuha naman kaya niya ito?

Kwento ni Harry, tuwing umuuwi siya ng Pilipinas libangan daw talaga niya ang paglalaro sa arcade.

“Parang naging daily routine ko na. Nasisiyahan po ako du’n sa nakukuha ko pong bundle-bundle na ticket maraming nakukuhang token,” giit pa niya.

Kaya naman, pagkahatid pa lang niya sa kaniyang misis sa trabaho nito, diretso na siya sa arcade.

Ang paboritong laruin daw ni Harry ay "Pop A Ball" kung saan para manalo ng tickets kailangan makabuo ng vertical line ang mahuhulog na bola.

Isa rin sa kaniyang laging nilalaro ang "Slam A Winner" kung saan ang dami ng ticket na mapapanalunan ay nakasalalay sa numerong tatapatan ng bola.

“Magsasaka lang din po ang parents ko wala pong budget makapag-laro sa arcade. Iniisip ko gusto ko rin maglaro ng ganyan, someday,” sambit ni Harry.

Ayon kay Harry, ang pinakamalaking gastos daw niya kada araw sa paglalaro ng arcade ay nasa P1,000.

“May limitasyon din kami pagdating sa pag-gastos, sa pagbili ng panlaro,” saad ni Charielle.

Gayunman, sulit naman daw ang paglalaro dahil marami-marami na siyang napanalunan.

Katunayan nanalo na siya ng tatlong plantsa, dalawang set ng blender, skateboard, pressure water, electric stove.

Kahit pa ang kanilang kurbiyertos katas lang daw ng kaniyang paga-arcade.

“Wala pa po kaming anak. Sahod po ni misis at saka sahod ko naiipon lang po sa pagpapatayo ng bahay at saka mga savings po namin,” sambit ni Harry.

Pero dahil kalimitang napapasarap sa paglalaro, si Harry madalas daw inaaway ni Charielle.

“Hindi ko na nasusundo ang misis ko sa work. Nakakalimutan na ring kumain ng pananghalian, minsan sumasakit ang tiyan,” ani Harry.

“Ako na ang susundo sa kaniya para umuwi,” diin pa ni Charielle.

Kaya para makabawi sa kaniyang misis, nag-iipon si Harry ng tickets para ma-redeem niya ang cellphone.

At makalipas ng isa at kalahating buwan, nakaipon na siya ng target niyang 800,000 tickets.

“Hindi po ako makapaniwala. Sobrang excited po ako,” ani Harry.

Kaya lang sinabi ni Charielle, “Naisip ko wag na lang cellphone kasi may ginagamit pa naman ako.”

Gayunman ang bagong puntirya ng mag-asawa ay isang brand new na motor kung saan kailangan nilang mag-ipon ng 1.4 million tickets.

“Konti na lang naman ang kulang na bubunuin,” pahayag ni Charielle.

Makukuha kaya nila ang pangarap nilang motorsiklo? At masama ba nga ba ang madalas na paglalaro sa arcade? Tunghayan sa video ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News