Nakauwi na sa kaniyang pamilya sa Dagupan City, Pangasinan ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nakaranas umano ng pangmamaltrato bilang domestic helper sa bansang Kuwait.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon ngayong Miyerkules, ikinuwento ng 24-anyos na si Joana Beth Ordonia ang bangungot na naranasan niya sa kaniyang amo.
Tubong Barangay Mayombo si Ordonia. Nakauwi siya nito lamang October 30.
Aniya, hindi raw siya pinapasahod ng kaniyang amo at hindi rin halos pinapakain.
“One week lang siya naging mabait sa akin… lagi niya akong sinisigawan, sinasabihan niya ako ng walang utak, minumura niya ako," dagdag pa niya.
Sinabi ni Ordonia na hindi siya agad nagsumbong sa pang-aabuso sa kanya para hindi mag-alala ang kaniyang pamilya.
Ngunit, nitong unang linggo ng October nang magpasya siyang mag-pa-rescue sa kaniyang agency.
Natulungan naman siya agad ng kaniyang agency at prinoseso ang pag-uwi niya sa Pilipinas.
“20k lang ang sahod mo tapos nabili na niya buong pagkatao mo. Dito na lang ako magtatrabaho. Hindi na ako lalayo,” ani Ordonia.
Hindi man siya sinuwerte sa pagtatrabaho sa ibang bansa, masaya naman ang pamilya ni Ordonia na nakauwi siya ng ligtas.
Samantala, siniguro naman ng OWWA na may mga programa sila para sa mga OFW na umuwi sa bansa dahil sa masamang karanasan mula sa kanilang employer.
“On the side of OWWA is ginagawa natin kung ano ang dapat gawin. Eventually, we will do or we will extend whatever program and services OWWA could still or possibly extend pa doon sa OFW and her family,” pahayag ni OWWA-1 labor communications officer Christian Maglaya. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA News