Sa pag-alis ng deployment ban ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Saudi Arabia, nagprotesta sa labas ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ilang dating migranteng manggagawa na ilang taon nang naghihintay sa kanilang backwages at benepisyon mula sa nasabing bansa. Ang mga nagprotesta, hinarap naman ng ilang opisyal ng kagawaran.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24Oras" nitong Lunes, sinabing nasa 30 mga dating OFW na miyembro ng Saudi Oger Claimants ang nagprotesta sa labas ng tanggapan ng DMW.

Ang mga nagprotesta ay kabilang sa mahigit 8,000 OFWs sa KSA na tinulungang makauwi sa bansa noong 2016, na kabilang din sa mga dahilan ng pagpapatupad ng deployment ban ng mga Pinoy sa KSA.

Kamakailan lang, inihayag ng DMW na aalisin na ng pamahalaan ng Pilipinas ang deployment ban sa Saudi simula sa November 7.

Hinaing ng Saudi Oger Claimants, bakit nauna pang asikasuhin ang pagpapadala ng OFWs sa KSA gayung wala pa umanong linaw ang tungkol sa kanilang claims na aabot sa mahigit P4 bilyon halaga tungkol sa hindi nila natatanggap na sahod at benepisyo.

"Papaano naman po kami ang mga kasamahan namin halos tumatanda na. Nagkakandamatay na yung ibang kasama namin," sabi ni Edwin Caling, kinatawan ng Saudi Oger Claimants.

"Huwag naman po sana nating hintayin na magpantay-pantay ang aming mga paa nang wala man lang nangyari sa aming ipinaglalaban. Ito po ay dugo't pawis ang aming ipinuhunan para sa aming mga pamilya," dagdag niya.

Hinarap naman nina DMW Usecs. Hans cacdac at Bernardo Olalia, ang mga nagpoprotesta at nagkaroon sila ng dalawang oras na pag-uusap.

Matapos ang naturang pulong, ayon kay Caling, "Medyo lumuwag yung iniisip namin, medyo nabawasan yung aming alalahanin dahil nagkaroon ng konting paglilinaw."

Sinabi ni Cacdac sa grupo na hindi sila tumigil sa pag-asikaso kaso ng mga OFW sa KSA na may hinahabol na backwages.

Bagaman natatagalan, sinabi ng opisyal na mayroon naman napapatunguhan ang pag-uusap.

"Sa Saudi side, nagbuo sila komite doon ng inter-agency committee na susuri at bigyan lunas itong matagal nang hinihintay na claims," ani Cacdac.--FRJ, GMA News