Aalisin na ng Pilipinas sa darating na Nobyembre 7, 2022 ang deployment ban sa Saudi Arabia, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, nabuo ang pasya matapos ang pag-uusap ng mga opisyal ng Pilipinas at Saudi Arabia.
Sinabi ni Ople, kasama niyang nakipagpulong ang iba pang opisyal ng DMW, kay Saudi Minister of Human Resources and Social Development Ahmad Bin Sulaiman Al-Rajhi, at mga opisyal nito.
Nagkasundo umano ang magkabilang panig na gumawa ng hakbang, βto facilitate the decent and productive employment of OFWs and ensure the protection of their rights.β
Kasama sa kanilang napag-usapan ang pagpapatuloy na pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Saudi Arabia simula sa November 7, ani Ople.
Sinabi rin ni Ople na pupulungin ng DMW ang mga recruitment agencies sa bansa. Palalakasin din ang koordinasyon sa Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) para matiyak na sapat ang kasanayan ng mga ipadadalang domestic workers sa KSA.
Matatandaan na ipinatupad ng pamahalaan noon nakaraang taon sa pangunguna ni dating Labor Secretary Silvestre Bello III ang deployment ban sa KSA dahil sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga Pinay domestic helper.
Bukod pa rito ang kabiguan ng KSA na maibigay ang backwages ng nasa 9,000 OFWs na umaabot sa P4.6 bilyon. β FRJ, GMA News