Kailangan umano sa Amerika ng mga registered nurse na aabot ang sahod sa katumbas na P400,000 at may signing bonus pa ng $1,000.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing isang kompanya sa Amerika ang nangangailangan ng nasa 1,000 registered nurse at 200 medical technologist.
Maliban sa sahod na aabot P400,000, immigrant visa umano ang ibibigay at sagot ng kompanya ang lahat.
Sabi ni Janessa Medina-Bacolod ng Ruru Global Recruitment Services, mayroon pa raw signing bonus na $1,000 ang mga matatanggap.
Ang tumatandang populasyon daw ng Amerika ang dahilan ng mga employer kung bakit kailangan ng maraming nurse.
Bukod sa Amerika, nangangailangan din ng mga nurse sa Middle East gaya ng Saudi Arabia.
Si Divine Lapena, nag-apply bilang assistant nurse sa Saudi na ang sahod ay nasa P50,000 hanggang P60,000 isang buwan.
Bukod sa healthcare workers, may mga trabaho rin sa ibang bansa sa Middle East na kailangan sa tourism at hotel industry.
Sa Jordan, may mga bakante para sa butler, house keeping staff, front office staff, executive manager at mga chef.
Nasa $400 o katumbas na P20,000 ang minimum na sahod kada buwan. Hindi pa kasama ang overtime pay, at mas mataas daw kung may karanasan na trabaho.
Ayon kay Medina-Bacolod, mga Pinoy daw ang gusto ng mga employer dahil hindi na kailangan na bantayan kapag isinabak sa trabaho. --FRJ, GMA News