Para sa pamilya, naging "TNT" o tago nang tago [undocumented alien] sa South Korea ang isang overseas Filipino worker (OFW). Sa loob ng 11 taon, hindi siya nahuli hanggang sa isang araw, nasita siya dahil wala siyang suot na helmet.
Ibinahagi ng OFW na si Elmer ang kaniyang karanasan sa S. Korea nang maging bahagi siya ng Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga."
Ayon kay Elmer, naging mahirap sa kaniya ang paninirahan sa Korea noong simula dahil na rin sa language barrier. Pero nang matuto na, umupa na siya ng sariling bahay.
Dahil walang dokumento, hindi siya basta makakapunta sa ospital kapag nagkasakit. Kaya binawasan daw ni Elmer ang kaniyang bisyo.
Kapag nilagnat, mag-isa niyang inaalagaan ang kaniyang sarili sa bahay.
Bata pa raw ang mga anak niya nang magpunta siya sa Korea kaya hindi niya nakita ang paglaki ng mga bata dahil hindi naman siya maaaring umuwi.
Nang maka-11 taon na sa Korea, nais pa sana niyang manatili doon ng isa pang taon bago sana umuwi ng Pilipinas. Pero hindi na iyon nangyari matapos siyang mahuli ng immigration dahil sa hindi niya pagsusuot ng helment.
Hindi naiwasan ng mga host ng programa na matawa sa kuwento ni Elmer. Sa loob kasi ng 11 taon ng pagiging TNT ay hindi siya nahuli pero nabisto siya dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.
"One year pa sana hihirit pa ako. Kaso nahuli ako ng immigration," saad niya. "Nagmomotor ako wala akong helmet."
"Kasi malapit lang naman, sa park lang naman malapit sa bahay...masyadong mahigpit pati sa helmet nasita ako," patuloy ni Elmer.
Sa pagkakasita sa kaniya dahil sa helmet, nalaman ng mga awtoridad na wala siyang kaukulang dokumento bilang dayuhan sa naturang bansa.
"Hinanapan ako unang-una lisensiya muna, wala akong lisensiya. Tapos sunod alien card, wala rin akong maipakita," sabi ni Elmer.
Ayon kay Elmer, idinetine siya at hinintay niyang makuha ang papeles para makabili sila ng plane ticket pauwi ng Pilipinas.
Sabi pa ni Elmer, kaagad din pinababalik sa Pilipinas ang naaaresto kapag may plane ticket na.
"Hindi na nila pinapatagal. Basta mayroon kang ticket pauwi," pahayag ni Elmer.
Ipinakuha na lang daw niya sa kaibigan ang passport niya sa bahay, at nagpabili ng plane ticket na pauwi sa Pilipinas.
Ayon pa kay Elmer, blacklisted siya sa Korea na sa pagkakaalam niya ay tatagal ng 10 taon.
Sinabi ni Elmer na marami siyang natutunan sa kaniyang naging karanasan tulad ng pagiging independent at lumakas ang kaniyang loob.
"Kailangang gawin ko 'yon para sa pamilya ko," saad niya.--FRJ, GMA News