Umaapela ng tulong ang ilang overseas Filipino workers (OFW) sa Macau dahil apektado ang kita nila bunga COVID-19 restrictions. Ang ilan sa kanila, wala na umanong pambili ng pagkain.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang isang video habang nagkakagulo ang mga tao sa pagkuha ng ayudang pagkain ng ibinibigay ng isang restaurant.
Ayon sa nag-upload ng video, marami sa mga nakipag-agawan na makakuha ng ayuda ay mga OFW.
Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa 5,000 ng 26,000 OFWs sa Macau ang apektado ng panibagong paghihigpit doon.
Karamihan sa mga apektado ay ang mga nagtatrabaho sa commercial at industrial sector na tigil ang operasyon bunga ng pagtaas muli doon ng COVID-19 cases.
Tanging ang mga nasa food businesses, groceries, at essential services ang pinapayagang mag-operate.
“Hindi stay in kasi itong mga ito eh, so 'pag hindi sila maka-report, no pay,” ayon kay DMW spokesperson Toby Nebrida.
Kabilang sa apektadong OFW ay si Ariel Camua, na 13 taon nang nagtatrabaho bilang dishwasher sa isang casino.
“Napakahirap po talaga. Talagang mauubos po yung pondo ninyo rito or savings dahil one month po kayong walang sweldo. Kailangan ninyo pong bumili ng mga pagkain, ng mga pangangailangan sa pang-araw-araw,” paliwanag ni Camua.
Ang barista na si Ian Escano, nakakaraos pa pero umaapela siya ng tulong para sa ibang OFWs.
“Hindi na po alam ng mga Pilipino dito kung saan kukuhanin yung pangangailangan nila everyday until mag-stop itong restrictions dito. Hindi na rin alam kung saan kukuhanin pangbayad ng bills, rentals dito, at siyempre yung pinapadala namin,” saad niya.
Ang mga OFW na mapalad na hindi lubhang apektado ng paghihigpit, gumagawa ng paraan upang makatulong sa kanilang kababayan doon.
“Marami pong mga willing tumulong and I hope na mas marami pa po sa mga kababayan natin na able na tumulong sa ating mga kababayan even sana sa Pilipinas bigyan tayo ng tulong in any way possible para kahit papaano po eh maibsan ang paghihirap ng ibang OFWs dito,” sabi ni Rachel Luna Peralta.
Sinimulan na umano ng DMW na magkaloob ng financial assistance na 50 dollar vouchers para ipambili ng kanilang kailangan. Nagbibigay naman ng 200 dollar one time assistance sa mga tatamaan ng COVID-19.
“Our Filipino Overseas laborer offices are working closely together para matulungan natin. We identify it and we will get the support and assistance as soon as we can given the challenges. Ang pagkakaaalam ko medyo lumuwag na ata na-lift na yung suspension. So gradually, nagre-resume na ng normal,” sabi ni Nebrida.--FRJ, GMA News