Inilatag din ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Lunes sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) ang mga plano niya para matulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW).
Sa kaniyang talumpati, inatasan ni Marcos ang bagong Department of Migrant Workers (DMW), pati na ang Department of Information and Communications Technology (DICT), na bigyan ng prayoridad ang automation sa kontrata ng mga OFW, at mailagay sa mobile phone ang Overseas Employment Certifications (OECs).
Hangad ni Marcos na mapabilis ang proseso sa pag-apply ng mga nais maging OFW.
"Gagawin natin ito sa pamamagitan ng pag-aalis ng red tape sa sistema at pagsusulong ng digital empowerment," ani Marcos.
"We shall automate the verification of contracts and issue secure Overseas Employment Certifications (OEC) that you can keep on your smartphone. I call on the Department of Migrant Workers and the DICT to make this a top priority," utos ng pangulo.
Inutusan din ni Marcos ang Department of Foreign Affairs na alalayan ang DMW upang makahanap ng trabaho ang mga OFW na nawalan ng hanapbuhay nitong nagdaang taon.
Sinabi rin ng pangulo na mula sa dating tatlong buwan na pagproseso sa mga nais magtrabaho sa abroad, nais ni Marcos na maging tatlong linggo ito.
"Mula sa tatlong buwan ay gagawin na lamang nating tatlong linggo para sa isang dayuhang employer na i-proseso ang mga papeles ng Filipinong nais nitong kunin bilang empleyado," pahayag ni Marcos.
Nais din ng pangulo na gawing simple ang mga nakasaad sa handbook para sa mga OFW.
Kasabay nito, sinabi ni Marcos na bubuuin ang One Repatriation Command Center o ORCC para matulungan agad ang mga OFW na naiipit sa kaguluhan, inaabuso at nanganganib ang buhay.
"Ilalaan natin ang isang social media platform ng DMW at ang hotline upang matulungan natin agad at mailigtas sila mula sa mas higit na kapahamakan," anang pangulo.--FRJ, GMA News