Tutol ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Labor and Employment (DOLE) na maglagay ng limitasyon sa bilang ng Pinoy nurses na puwedeng magtrabaho sa ibang bansa.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, sinabi ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople, na hindi maaaring pigilan ng pamahalaan ang mga Pinoy na nais gampanan ang kanilang propesyon, o pigilan ang paggalaw ng manggagawa.
“Sa akin kasi profession 'yan e, you cannot naman prevent a Filipino from practicing his profession and then lalagyan mo ng boundaries na hanggang dito ka lang,” sabi ni Ople. “Parang ilang taon nilang pinaghirapan na makakuha ng degree at specialization.
Sinabi ni Ople na pag-uusapan nila ng magiging kalihim ng Department of Health (DOH) ang naturang usapin tungkol sa pagkakaroon ng cap sa deployment ng mga nurse.
Sinabi naman Labor Secretary Bienvenido Laguesma, na hindi solusyon ang paglalagay ng limitasyon sa overseas deployment ng mga nurse, sa pangamba naman na baka kulangin ng healthcare workforce sa Pilipinas.
“Yung cap sa tingin namin ni Sec. Toots, hindi 'yun solusyon,” saad ni Laguesma. Aniya, dapat humanap ng paraan para mapahusay ang kalagayan at magbigay ng magandang sahod sa mga nurse at healthcare workers sa bansa.
Sa ganitong paraan, magiging "optional" na lang umano ang pangingibang-bansa ng mga nurse.
Nitong nakaraang Hunyo, sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na umabot na sa 2,000 healthcare workers ang naipadala sa ibang bansa. Pero malayo pa ito sa 7,500 deployment cap bawat taon.—FRJ, GMA News