NEW YORK - Nagkilos protesta sa Times Square sa New York City nitong Huwebes (Philippine time) ang ilang grupo ng mga Pinoy para ipakita ang kanilang pagtutol sa bagong administrasyon nina President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr at Vice President Sara Duterte.
Justice at accountability para sa sambayanang Pilipino ang kanilang ninanais.
Imposible raw ang pangakong Bagong Pilipinas ng mga ito dahil hindi naman daw nabigyan ng hustisya ang mga Pilipinong biktima ng batas militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr at ng extrajudicial killings noong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinangunahan ng Northeast Coalition to Advance Genuine Democracy in the Philippines ang kilos protesta na kinabibilangan ng Gabriela New York, Bayan USA, Damayan Migrant Workers Association at Malaya Movement.
Kasama rin sa rally ang ilang biktima ng batas militar.
Banta ng grupo, simula pa lang ito ng mas malawak na pakikibaka para i-reject ang gobyerno nina Marcos-Duterte.
Sa isang pahayag naman na ipinadala sa GMA News ni Atty. Arnedo Valera, pro bono council member ng Uniteam Eastcoast, sinabi nitong dapat irespeto ng minorya ang naging pasya ng mayorya ng mga Pilipino.
“While I respect their freedom of speech and assembly, this group is in the wrong side of history. We call upon all Filipino Americans to embrace the new leadership and give them a chance to provide political leadership to our nation for the next six years. Let us all pray for a more united and forward looking Filipino nation," aniya.
Nag-oath-taking na si Marcos bilang ika-17 na presidente ng Pilipinas sa National Museum of Fine Arts nitong tanghali ng Huwebes, June 30. —KG, GMA News