Inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) nitong Lunes na mas mabagal ang recovery ng pagpapadala ng mga land-based OFWs (overseas Filipino workers) kumpara sa sa sea-based employments noong 2021.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni POEA Administrator Bernard Olalia na habang pabalik na sa pre-pandemic level ang pagpapadala ng sea-based OFWs noong 2021, ang land-based deployment ng OFWs ay nasa 30% lang.
“Bagamat ang land-based po natin ay medyo umaangat, hindi po ganoon kabilis tulad po ng sea-based natin. Meron po tayong pinag-angat na 30%, magmula po sa datos ng 2021 kumpara sa 2020,” paliwanag ng opisyal.
Ayon kay Olalia, bumaba ng mahigit 74% ang deployment ng OFWs noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Una rito, sinabi ng POEA na mas dumadami na ang oportunidad na mga trabaho sa abroad para sa mga seafarer ar healthcare workers kasunod na rin ng pagluluwag ng iba't ibang bansa kontra sa COVID-19 restrictions.
Kaya naman nagpaalala si Olalia sa mga nais magtrabaho sa abroad na mag-ingat laban sa mga illegal recruiter na sasamantalahin ang sitwasyon.
Sinabi rin ng opisyal na hindi dapat magbigay kaagad ng "placement fees" ang aplikante. Dapat umano itong gawin sa huling bahagi na ng isinagawang proseso ng recruitment. — FRJ, GMA News