Pumanaw na ang abogadong Pinoy na binaril sa Amerika habang sakay ng Uber vehicle, kasama ang kaniyang ina. Ang biktima, bumisita lang sa kamag-anak na naninirahan sa nasaabing bansa
Ayon kay Leah Bustamante Laylo, pumanaw ngayong Lunes ng umaga (Philippine time) ang kaniyang anak na si Atty. John "Jal" Laylo.
"I thank God for the 35 years of his life. I'm beyond grateful for having a good, smart, generous, loving, caring son. These are the adjectives I can think of now. I'm lost of words!" saad ni Leah sa Facebook post.
Nagtungo sa US ang mag-ina para bisitahin ang kanilang kamag-anak na nasa Philadelphia.
Nakasakay sila sa Uber vehicle patungo sa airport nang bigla na lang barilin ang biktima nang hindi pa kilalang salarin.
Nagtamo ng minor injuries si Leah bunga nang nangyaring pamamaril. Inilagay naman sa life support si John matapos ideklarang brain-dead sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.
Sinusuri ng mga imbestigador sa US ang mga CCTV footage sa lugar na pinangyarihan ng krimen para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
"I can't explain the pain the heaviness I have in my heart. It took me hours to post this because still I can’t believe this happened," ani Leah.
Nakikipag-ugnayan na ang pamilya ng biktima sa mga kinakukulan para maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ni John.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabi ni Leah na wala silang napansin na sumusunod sa kanila bago mangyari ang krimen noong Linggo ng umaga (Philippine time).
Aniya, umalis sila ng bahay ng kanilang kamag-anak dakong 4:06 a.m. para sa kanilang 6 a.m flight. Limang minuto lang umano ang biyahe mula sa bahay kung saan nangyari ang pamamaril.
“Ang nasa memory ko po biglang nag-shatter ang salamin sa right side ng car. And then bigla ko na lang nakita 'yung anak ko, dumudugo 'yung face niya so alam ko he was hit,” sabi ni Leah.
Kuwento niya, kaagad siyang yumuko at nakarinig siya ng nasa apat hanggang anim na putok pa bago tumigil ang kanilang sasakyan.
“Tapos naisip ko na humingi ako ng... kasi po nag-hysterical na po ako, sabi ko ‘God, not my son’, ‘what's happening?’” pahayag niya.
Hihingi raw sana siya ng tulong sa kanilang driver pero nawala na ito.
“Napakasakit noong makita ko na nangingisay po 'yung anak ko sa tabi ko, wala po akong nagawa," patuloy niya.
Pagkaraan ng nasa tatlong minuto, dumating na ang mga pulis. Ani Leah, inimbestigahan muna siya ng hanggang dalawang oras bago siya dinala sa ospital.
“Sinabi sa akin na ang anak ko is ooperahan daw po. So sad na he was just given 5% chance of living kasi napaka-fatal po ng tumama sa kanya. Sa ulo po, headshot po, right, lumabas dito po sa noo,” ayon sa ginang.
Wala pa umanong ibinibigay na bagong impormasyon ang mga pulis tungkol sa kaso ng kaniyang anak.
Nakausap na rin ni Leah ang Uber driver na humingi nang paumanhin sa pag-alis dahil umano sa takot.
Pagkatapos ng organ donation, sinabi ni Leah na tutulong ang consuls sa Washington at New York para maiuwi ang mga labi ni John sa Pilipinas.
Napag-alaman na nagtrabao si John bilang abogado sa ilalim ng tanggapan nina Senador Leila de Lima at dating Interior Secretary Mar Roxas.
Nagsilbi rin siyang abogado ni outgoing Vice President Leni Robredo sa canvassing of votes sa katatapos na Eleksyon 2022. —FRJ, GMA News