NEW YORK - Opisyal nang kinilala ang bagong Little Manila Avenue sa Roosevelt Avenue sa Woodside, Queens sa New York City nitong Linggo.
Isang makasaysayang pagdiriwang para sa Filipino community ang isinagawa para sa pormal na pagpapakilala ng Little Manila Avenue mula 69th Street hangang 70 Street sa kahabaan ng Roosevelt Avenue.
Sentro itong naturang kalye para sa negosyo at tirahan ng maraming Pilipino sa New York.
Mula sa online petition, ilang taon ding nag-lobby sa City Council ng New York ang maraming Filipino community leaders para itulak ang panukalang Little Manila sa nasabing lugar.
Noong nakaraang taon, sa botong 15-0, ipinasa ng New York City Council Parks and Recreation Committee ang panukala ni dating City Council Jimmy Van Bramer na i-co-name ang 199 thoroughfares at public places, kabilang na ang "Little Manila".
Ang paglusot ng panukala ay bilang pagkilala na rin ng City Council ng New York City sa naging sakripisyo ng mga Pinoy medical workers na naging frontliner sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ang Woodside, Queens ang naging epicenter ng COVID-19 sa New York City at maraming Pinoy medical workers na nakatira sa Woodside ang lumaban sa pandemiya.
Batay sa census ng New York City, 54% ng mga Pinoy ay nakatira sa Queens Borough kung saan sakop nito ang Woodside na sentro ng negosyo ng mga Pinoy.
Sa lugar din na ito matatagpuan ang kauna-unahang Jollibee sa New York City.
Matatagpuan din sa Little Manila ang Red Ribbon at Max Restaurant.
May branch din ang Philippine National Bank, at may ilang Pinoy grocery store at cash remittance centers sa lugar.
Ayon kay Atty Lara Gregory na miyembro ng Filipino community, nagbunga rin ang ilang taong tiyaga ng mga Filipino community leaders na nagsulong ng proyektong ito.
“Grabe, sobrang nakaka-proud kasi maraming nagtrabaho para dito. Marami. Wala sila ngayon pero ito, para sa lahat ng ating mga Pinoy dito sa New York, [at] hindi lang sa New York kundi para sa buong Northeast. Kasi ito nag-lobby, nag-petition, pinasa sa City Council. Marami ang nagtrabaho dito kasama na sila Steven Raga, Little Manila Queens, NAFCON 'yung mga nag-organize. Of course, I'm so very very proud of them," ani Gregory.
"You know, visibility and representation, palaging importante 'yan. You know, to be able to say 'Okay, let's go and eat at Little Manila' and then to have an actual street that’s named like that, wow it's a milestone. It's historic," dagdag pa niya.
Ngayon kabilang na ang Little Manila sa mga puwedeng pagpiliang bisitahin sa New York, tulad ng Chinatown at Little Italy sa Manhattan. —KG, GMA News