Inaasahan ang dagdag na proteksiyon at trabaho para sa mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Germany. Kasunod ito ng paglagda ng Pilipinas at Germany sa bilateral labor agreement.

Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na kasama sa kasunduan ang maayos na recruitment, deployment, at pagkuha ng mga Filipino professional at skilled workers sa Germany.

“These two freshly signed bilateral labor instruments with Germany are the gifts of the Philippine government to our Filipino migrant workers in recognition of their sacrifices, perseverance, and diligence that have kept our nation afloat amidst the global crisis in the last two years,” ani Bello.

“This partnership will open opportunities for Filipino professionals and skilled workers, specifically Electrical Mechanics and Fitters, Electronics Servicers, Cooks, Hotel Receptionists, Waiters, and Plumbers and Pipe Fitters,” patuloy niya.

Ang letter of intent ay pinirmahan ng Philippine Overseas Employment Administration. Kumatawan dito si Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration, at ang German Federal Employment Agency, na kinatawan naman ni Director for International Relations Alexander Wilhelm.

Pinirmahan din nina German Minister of Health Karl Lauterbach at Bello ang Memorandum of Understanding (MOU) sa deployment ng Filipino healthcare professionals sa Germany. Para ito sa recruitment ng mga nurse sa ilalim ng private recruitment track, kasama ang iba pang healthcare professionals.

Kasama umano sa mga mabibigyan ng oportunidad na makapagtrabaho sa Germany ang physiotherapists, radiographers, occupational therapists, biomedical scientists, at iba pang allied health professionals na ang trabaho ay regulated ng kinauukulang professional bodies sa Pilipinas at Germany.

“With this development, better job opportunities, in addition to nurses and other professionals, await our skilled workers as we showcase the competence and exemplary talents of the Filipino workers,” ani Bello.

Sinabi ni Bello na ang MOU ay kabahagi ng Triple Win Project, ang government-to-government arrangement ng Philippine Overseas Employment Administration at Federal Employment Agency/International Placement Services sa Germany na naging daan sa recruitment ng mga Filipino nurse.—FRJ, GMA News