Sa harap ng dumadami na muling trabaho sa abroad, may paalala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga nais makipagsapalaran sa ibang bansa na mag-ingat laban sa mga illegal recruiter.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita," sinabi ni POEA Administrator Bernard Olalia, na patuloy na nadaragdagan ang mga trabaho para sa mga OFW dahil sa pagbubukas na rin ng ekonomiya ng ibang bansa ngayon na humuhupa na ang COVID-19 pandemic.
“Dahil po sa muling pagbubukas ng atin pong ating ekonomiya sa iba't ibang bansa at pagka-release ng health protocols ay unti-unting nanunumbalik ang sigla ng employment,” sabi ni Olalia nitong Martes.
May mga bakanteng trabaho umano para sa mga seafarer dahil dumadami na ang mga cruise ship na nagbabalik sa kanilang operasyon.
Ayon pa sa opisyal, nangangailangan naman ng mga healthcare worker gaya ng mga nurse at caregiver sa UK, Germany, New Zealand, Canada, at Australia.
Paalala ni Olalia, walang placement fee sa mga trabaho sa ilalim ng government-to-government agreement.
Para naman sa mga skilled workers na kailangan sa European countries, ang placement fee ay hindi dapat mas mataas sa magiging monthly salary ng manggagawa.
Sinabi ni Olalia na dapat tiyakin ng mga aplikante na lehitimo ang ahensiya na pag-aaplayan nila ng trabaho upang hindi maging biktima ng illegal recruiters.
Dapat din umano na sa huling bahagi na ng pagproseso ng aplikasyon magbabayad ng placement fees. —FRJ, GMA News
