Napipinto na magkaroon umano ng kakulangan ng mga manggagawa sa Canada dahil sa malaking bilang ng "baby boomers" na nakatakdang magretiro sa kanilang mga trabaho, batay sa kanilang 2021 census.
"Never before has the number of people nearing retirement been so high," ayon sa pahayag ng Statistics Canada.
Higit umano sa isa sa bawat limang manggagawa (21.8 percent) ang malapit na sa mandatory o proposed retirement age na 65.
Ang pag-alis sa trabaho ng mga tinatawag na "boomer" ay ang itinuturong isa sa mga dahilan ng labor shortages na kinakaharap ng ilang industriya sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Ang mga "baby boomers" -- isinilang sa pagitan ng 1946 at 1965 -- ay nagsimula umanong magretiro noong 2011. Pero mas tumataas na umano ngayon ang bilang nila na tumitigil sa pagtatrabaho, ayon sa Statistics Canada.
Sa hiwalay na ulat ng ahensiya ng pamahalaan sa huling bahagi ng 2021, sinabing halos isang milyong trabaho umano ang bakante sa Canada, doble sa dami noong 2020.
Kabilang sa mga industriya na apektado ng kakulangan ng manggagawa ay ang restaurant staff, construction laborers, nurses at social workers.
"We have seen this coming for a long time with the aging of the population," ayon kay Prime Minister Justin Trudeau.
Sinabi ni Trudeau na namuhunan na umano ang Ottawa sa edukasyon at pagsasanay ng mga kabataan, "so that they can get the best possible jobs that will support the population, and boosted immigration to record levels."
Naglunsad din ang pamahalaan ng national child care program noong nakaraang buwan para hikayatin ang mga ina na bumalik agad sa trabaho matapos manganak.
Pero binaliktad naman ang dating patakaran sa pagtaas sa retirement age sa 67 bunga ng labor crisis .
Ayon sa census, pitong milyong Canadians -- sa total population na 37 milyon-- ay nasa edad 65 na o higit pa. Ang mga nasa edad na 85 pataas ay inaasahang aabot sa 2.7 milyon sa susunod na dekada.
Ang pagtanda ng populasyon ay kaakibat naman ng mababang fertility rate na 1.4 children born per woman sa Canada. Kasabay naman nito ang bahagyang pagtaas ng life expectancy, ayon sa Statistics Canada.
Nitong nakaraang Marso, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na posibleng madagdagan ang oportunidad ng trabaho para sa mga Filipino sa Canada.
Nagtungo noon sa Canada si Bello para pirmahan ang mga bilateral labor agreements tungkol sa mga trabaho na para sa mga Pinoy sa Ontario at Yukon.
Maaari din umanong kumuha ng resident visa ang mga dayuhang manggagawa sa Canada. --Agence France-Presse/FRJ, GMA News